Hindi sinasadya

Dear Dr. Love,

Greetings in the name of the Lord Jesus Christ!

Nawa’y sapitin po kayo ng liham kong ito na nasa mabuting kalagayan.

Ako po ay lakas-loob na lumiham sa inyo upang kahit paano ay ma­ibahagi ko ang aking karanasan sa buhay.

Tawagin mo na lang po akong Cris Sanchez, 40 taong-gulang, single at mula sa Batangas City.

Taong 2000 po nang mangyari ang isang insidente na hindi ko sinasadya, ni inisip na gawin dahil alam kong masama.

Pero may mga pagkakataong kahit alam mong masama, nagagawa ito sa hindi sinasadyang pangyayari lalo na kung ito ay isang pagde­depensa sa sarili at sa malaking kabig­laanan.

Nakasakit ako ng tao na muntik na niyang ikinamatay.

Galing ako noon sa trabaho. Napadaan ako sa isang tindahan pero hindi ko alam na mayroon palang mga taong nag-iinuman doon.

Mabilis akong umalis para umuwi sa tirahan ko. Pero hindi ko alam na mayroon sa kanilang sumunod sa akin. Pilit nilang hinihingi ang aking suweldo.

Nang hindi ko iyon ibinigay, pinag­tulungan nila ako.

Wala na akong magawa dahil wala na akong daan para takasan sila. Napilitan akong lumaban sa kanila. Hanggang sa ang isa sa mga ito ay nasaktan ko na muntik na niyang ikinasawi.

Kaya nga, narito ako ngayon sa bilangguan. Pinagdurusahan ang pagkakasala matapos malitis ang kaso at nahatulan akong mapiit ng mula walo hanggang 12 taon.

Sa ngayon, malapit na rin akong makalaya.

Kung minsan, hindi ko rin maiwa­sang malungkot sa pangyayaring naganap sa aking buhay.

Ito ang nagtulak sa akin para sumulat sa inyo at baka sakaling mayroong mag-interes na maki­pagkaibigan sa akin sa pamamagitan ng panulat.

Siyangapala, nag-aaral din ako dito sa loob para hindi masayang ang aking pananatili sa piitan.

Hangad ko po ang katuparan ng aking pagnanais na ito para mag­karoon ng mga kaibigan sa panulat.

Lubos na nagpapasalamat at umaasa,

Cris Sanchez

Student Dorm 1-B,

Bldg. 4, Y.R.C.,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City

Dear Cris,

Maraming mga pangyayaring nagaganap na hindi sinasadya, kabi­lang na nga rito ang nangyari sa iyo.

Hindi masyadong malinaw ang buong pangyayari sa insidenteng kinasangkutan mo.

Ikaw na nga ang hinihingan ng pera, binugbog pa nang ayaw mong magbigay. Pero nang masaktan mo ang isa sa kanila sa pagdedepensa sa sarili, ikaw pa ang nakulong.

Anyways, mayroong mga taong ayaw magbanat ng buto at pati ang kanilang bisyo ang nais ay ipasagot sa ibang nagsisikap magtrabaho sa ngalan ng sinasabi nilang “pakiki­sama.”

Bagaman nakulong ka, ipinag­laban mo lang ang iyong prinsipyo. Kaya lang, nasobrahan marahil ang leksiyong nais mong iparating sa kanila na muntik nang ikamatay ng isang nakalaban mo.

Ang kaibigang hanap mo, sana, matagpuan mo sa tulong ng pitak na ito. Good luck sa iyo.

Regards.

Dr. Love


Show comments