Dear Dr. Love,
Masaganang pangungumusta po sa inyo.
Mula po ako sa isang mahirap na pamilya. Isang magsasaka ang aking ama. Bagaman masipag siya, hindi makayanan ng kanyang kita sa agrikultura ang pangangailangan ng aming pamilya.
Minabuti kong huminto ng pag-aaral at magtrabaho na para makatulong sa kanya sa pagpapaaral ng aking mga nakababatang kapatid.
Pinalad naman akong matanggap na isang security guard. Kahit sa maliit na kita, nagawa naming magtipid para makapagpatuloy ng pagpasok ang aking mga kapatid.
Walong taon akong nagpunyagi sa pagtatrabaho para maigapang sa pag-aaral ang aking mga kapatid. Ayaw ko pong danasin nila ang kahirapan ng buhay. Kung mayroon silang mabuti-buting pinag-aralan, mas madali na para sa kanila ang paghahanap ng trabaho.
Pero ang pangarap ng aking kapatid na bunso ay hindi natupad.
Isang gabi habang pauwi siya sa bahay, may mga taong tumambang sa kanya at binugbog siya.
Hindi namin matanggap na namatay ang aking kapatid mula sa masaklap na insidenteng ito.
Nailibing na siya at lahat, hindi pa rin masabi ng mga awtoridad kung sino ang may kagagawan ng makahayop na pananakit sa kanya.
Hanggang may impormasyon na nakaabot sa amin sa mapagkikilanlan sa mga taong pumatay sa kanya sa bugbog.
Ipinabatid namin ito sa mga may kapangyarihan pero bigo kaming mahanap ang hustisya ng aking kapatid. Ang dahilan nila, walang testigo dahil ang mga nakakita ay takot na lumabas. Ang isa pang dahilan ay may kaya ang aming kalaban.
Hindi ako mapalagay. Hindi ko mapapayagang hindi mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng bunso kong kapatid.
Kaya inilagay ko sa aking mga kamay ang batas. Napatay ko sila.
Gusto kong maipaghiganti ang aking kapatid. Pero humantong naman ako sa bilangguan.
Natalo ako sa kaso at ngayon nga ay naririto ako sa Medium Security Compound ng Davao Prison at Penal Farm.
Hanggang dito na lang po at maraming salamat sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito.
May Our Lord God bless you always and more power to your column.
Gumagalang,
Ronald Madrigal
Dear Ronald,
Nawalan ka ng tiwala sa sistema ng katarungan kaya mo inilagay sa mga kamay mo ang batas.
Hindi sa sinisisi kita sa pangyayari. Ang batas natin sa pangkalahatan ay walang kinikilalang uri ng pamumuhay. Pero kapag nag-akusa, kailangang may pruweba.
Hindi madadala sa madalian ang paghahanap ng katarungan. Mahaba at masalimuot ang prosesong sinusunod para maipanalo ang demanda.
Una ang lakas ng ebidensiya at kailangan din ang mga hindi mapapasubaliang mga saksi sa naganap na krimen.
Kailangan ang tiyaga para mapalakas ang kaso at kailangan din ang mahusay na abogado para maidepensa ang akusasyon.
Sa nangyaring ito, isinakripisyo mo ang sarili para maipaghiganti ang namatay na kapatid. Nakulong ka dahil kailangang pagdusahan ang nagawang kasalanan. Sa batas ng Diyos at tao, kasalanan ang pumatay.
Sa pagkamatay ng mga inaakusahan mong pumaslang sa iyong kapatid, nagkaroon ka rin ba ang katahimikan ng isipan?
Ihingi mo ng kapatawaran sa ating Panginoon ang nagawa mong pagkakasala.
At sikapin mong mapaunlad ang sarili sa rehabilitation program na ipinagkakaloob sa mga bilanggo para mapaghandaan ang paglaya mo pagkaraang mapagsilbihan ang sentensiya sa naging kaso mo.
Dr. Love