Dear Dr. Love,
Binabati ko po kayo at ang lahat ng bumubuo ng sikat ninyong pahayagan dahil sa paglalathala ninyo ng column na ito na tunay na nakakatulong nang malaki sa mga sawing-palad na tulad ko.
Nakukuro ko na sa kabila ng lahat, mahal pa rin ako ng ating Panginoon at ito ay nadarama ko.
Ako po si Michael Sanchez, 29 taong-gulang at nakapiit dito sa pambansang bilangguan.
Kung bakit po ako nasadlak dito, iyon po ang ilalahad ko sa inyo.
Labingwalong taong-gulang palang ako noon nang makilala ko si Rachelle. Sa unang pagkakakita ko pa lang sa kanya, alam kong siya ang babaeng minamahal ko at nais na makasama habambuhay.
Bagaman noong una ay sinisikap kong sikilin ang damdamin ko para sa kanya, hindi rin naman nangyari ito kaya’t hindi ko na natiis ang aking sarili na hindi ipagtapat ang pagmamahal ko sa kanya.
Labis akong natuwa at parang iniakyat sa langit nang sabihin niyang mahal din niya ako.
Pilit naming itinago sa umpisa ang aming relasyon dahil alam naming tututulan ito ng aming mga magulang. Mga bata pa raw kami, nag-aaral pa kung kaya’t dapat muna kaming magtapos bago harapin ang pagiging magnobyo.
Natuklasan nga nila ito at pilit kaming pinaglayo. Ngunit nagdesisyon kaming dalawa na ipaglaban ang aming relasyon at nagsama na kami sa ilalim ng isang bubong.
Nagsimula na kaming mangarap noon ng aking asawa. Gusto naming magkaroon na agad ng supling para makabuo ng isang masayang pamilya.
Tuwang-tuwa ako noon nang ibalita ni Rachelle na nagdadalang-tao na siya. Sa wakas, sabi ko sa sarili, mabubuo na ang pangarap kong masayang pamilya.
Pero gumuho ang pangarap kong ito nang magkasakit si Rachelle at kahit na dinala ko na siya sa pagamutan, hindi siya nalapatan ng lunas at binawi ang hiram niyang buhay kasama ang aming hindi pa naisisilang na baby.
Sinisisi ko ang langit kung bakit si Rachelle pa ang binawian ng buhay.
Ang sabi ko noon, sa dinami-dami naman ng mga tao, ang mahal ko pa ang maagang pumanaw.
Sa labis kong pamimighati, parang nawalan na ang direksiyon ang aking buhay. Damdam ko, parang walang saysay na ang mabuhay pa.
Dahil sa pagwawala, nakapatay ako ng tao at dito nga ako nahantong sa bilangguan.
Mula sampu hanggang 14 na taon ang sentensiya sa akin.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa nalilimot ang maagang pagyao ng aking asawa at anak.
Sana po, matulungan ninyo akong mabigyan ng kaibigan sa panulat para malimot ko ang malungkot kong karanasan sa buhay.
Hangad ko po ang patuloy na tagumpay ng inyong column.
Maraming salamat po uli at more power to you.
Gumagalang,
Michael Sanchez
Dorm 237, MSC,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Michael,
Huwag mong ikasama ng kalooban ang maagang pagpanaw ng iyong kabiyak at hindi pa naisisilang na anak.
Ang Panginoon na Siyang may likha sa atin ang nagpahiram ng ating buhay at Siya ring may karapatang bumawi nito.
Marahil, inibig niyang kunin na ang iyong maybahay para higit siyang lumigaya doon sa itaas kasama Niya.
Maaaring isa rin niya itong pagsubok sa katatagan ng iyong puso at damdamin at kung gaano mo siya kamahal.
Hindi natin iniaalis na ipagluksa mo ang pagkamatay ng iyong asawa pero hindi ito daan para mawalan ka ng tiwala sa Diyos. Hindi ka dapat na nagwala at nagpawarde-warde ang buhay hanggang nakagawa ka ng isang malaking pagkakasala.
Masaya man o malungkot ang ating buhay, hindi natin dapat kalimutan ang Diyos. Dito natin napapatunayang mahal natin Siya at hindi natin Siya nakakalimutan lalo na kung maligaya ang ating buhay at hindi tayo tumatawag kung mayroon lang suliranin.
Idalangin mo na lang ang kapayapaan ng kaluluwa ng iyong asawa at anak at hingin sa Panginoon ang kapatawaran sa pagkakasala.
Dr. Love