Pambayad-utang
Dear Dr. Love,
Binabati muna kita pati na ang staff ng Pilipino Star NGAYON at mga tagasubaybay ng iyong kolum.
Tawagin mo na lang akong Pearl, 23- anyos at may kasintahan. Isang taon na akong nagtuturo sa isang public school dito sa aming probinsya. Tapos na ako ng pag-aaral at plano na naming lumagay sa tahimik ng boyfriend ko.
Ang problema ko ay ang aking Itay. Ayaw niya sa kasintahan ko dahil may gusto siya para sa akin. Kaso, ang gusto niyang lalaki ay halos kasing-tanda na niya pero mayaman. Kesyo giginhawa raw ako sa lalaking yaon na maraming palaisdaan at lupain sa probinsya.
Hindi ko maunawaan kung bakit gayun na lamang ang pagpupumilit niyang pakasalan ko ang lalaking yun.
Nalaman ko na lang na may malaki siyang pagkakautang sa matandang iyon na umaabot sa P100,000.
Tinapat ako ng tatay ko. Maawa raw ako sa kanya dahil buhay niya ang nakataya. Ano ang gagawin ko?
Pearl
Dear Pearl,
Hindi ka obligadong sumunod sa kapritso ng tatay mo. Ang magulang ay sinusunod lamang kung ang payo ay wasto. Pero kapag ang sarili mong kaligayahan ang nakataya, lalo pa’t pinipilit ka sa lalaking ayaw mo, malaya kang sumuway.
Isa kang tao at ang halaga mo’y hindi lang P100,000. Nakapanggigigil ang ama mo na gagawin kang pambayad-utang.
Huwag mong intindihin ang kanyang gusto dahil mawawalan ka ng dangal na magpapakasal sa lalaking hindi mo mahal dahil lamang sa salapi nito.
Dr. Love
- Latest
- Trending