Broken-hearted

Dear Dr. Love,

Hello Dr. Love and to all your avid readers. Sana’y datnan ka ng sulat ko na nasa mabuting kalusugan.

Itago mo na lang ang tunay kong katauhan at tawagin mo na lang akong Broken-hearted. Eighteen years-old ako at sa gulang na ito ay natuto akong umibig nang totoo at malalim pero nabigo ako. Napaibig ako ng aking college professor. Itago mo na lang siya sa pangalang Brad. Kahawig kasi siya ni Brad Pitt at marami ang nagkakagusto. Binata pa siya at 25-anyos lang. Dahil sa tamis ng kanyang salita at angking kisig ay nahulog ang loob ko sa kanya.

Minsan ay tinawagan niya ako sa cellphone. Nagulat ako sa gusto niyang mangyari. Gusto niya akong dalhin sa hotel para patunayan ko raw na mahal ko siya talaga. Hindi niya ako tini-text. Laging tawag lang sa cell phone. Ngayon ko naisip na umiiwas siya na magkaroon ng ebidensya. Dun ako nag-isip-isip. Kahit ganito ako ay may takot ako sa Diyos dahil ganyan kami pinalaki ng aking mga magulang.

Hindi ako pumayag sa gusto niya. Ang huling salita niya sa akin ay “ikaw ang bahala. Goodbye!”

Kaya nang magkita kami sa klase ay iba na siya. Hindi na niya ako kinikibo maliban na lang sa mga bagay na may kinalaman sa aming aralin.

Masakit para sa akin dahil ang akala ko’y totoo siya. Nun pala’y isa lang ang kanyang hangad.

Paano ko siya malilimutan?

Broken-hearted

Dear Broken-hearted,

Magpasalamat ka. Blessing in disguise iyang pagiging broken-hearted mo. Nakita mo ang totoong kulay ng propesor mo na isa palang mapagsamantala. Sana, ang dalangin ko– mawala na ang nararamdaman mo para sa kanya para huwag ka nang madapa sa mapagsamantala niyang mga kamay sa ikalawang pagkakataon at baka matuluyang makuha niya ang kanyang gusto.

Kung magkagayon, tiyak na magsisisi ka. Pasalamat ka na pinalaki ka ng mga magulang mo na may takot sa Diyos. Huwag mong iwawala ang takot na iyan.

Kung tatanungin mo ako, wala siyang “k” para mahalin mo kaya limutin mo na siya because he doesn’t deserve being loved by you. Bata ka pa at naniniwala akong infatuation lang ang nararamdaman mo sa lalaking iyan na sinasamantala ang kanyang kaguwapuhan para makabingwit ng mga kadalagahan.

Dr. Love


Show comments