Ka-live-in ng DI

Dear Dr. Love,

A pleasant and warm greetings to you. Sasarilinin ko na lang sana ang problema ko pero masyado na akong binabagabag nito kaya ikaw na lang ang naisip kong hingahan ng bigat sa aking dibdib.

Tawagin mo na lang akong Elvira, 42-anyos. Ang asawa ko ay 25-anyos lang at dalawang taon na kaming nagsasama. Hindi kami kasal.

Hindi mo naitatanong, biyuda na ako at ang aking kinakasama ngayon ay isang dance instructor. Nang mamatay ang asawa ko, masyado akong nalungkot kaya isinama ako ng aking mga kaibigan sa ballroom dancing. Doon ko nakilala si Cris.

Maligaya kami sa unang anim na buwan. Pero kalaunan ay lumabas ang aking insecurity. Madalas kasi ay nawawala nang kung ilang araw ang asawa ko at dahil diyan ay nagseselos ako.

Kapag kinakausap ko siya tungkol dito, pinagtataasan niya ako ng tinig. Sabi niya, alam ko naman ang klase ng trabaho niya. Sinasa­bihan ko siyang tumigil na dahil may maliit naman akong negosyo pero sabi niya, hindi siya sanay na hindi kumikita. Malaki kasi ang income niya na inaabot ng P10,000 isang gabi. Siguro’y umaabot nang ganyan ang kita niya dahil may mga matronang ginagawa niyang sugar mommy.

Ano ang dapat kong gawin?

Elvira

 

Dear Elvira,

Tama ang ka-live-in mo. Simula’t simula ay alam mo na ang nature ng trabaho niya kaya wala kang right para kuwestyunin siya anong oras man siya umuwi ng bahay.

Tungkol sa pagkakaroon niya ng sugar mommy, hindi malayong mangyari iyan dahil ang mga DI ay kasalamuha gabi-gabi ng mga babae o lalaking lonely hearts. If you can’t live with that, maghiwalay kayo.

Kagustuhan mo rin naman na makisama sa kanya sa ilalim ng iisang bubong. May mga gina­gawa ang tao na nagbubunga ng pangit na resulta kaya dapat handa siya na tanggapin ano man ito.

Pero kung ako sa iyo, hihiwalayan ko na lang ang batang kinakasama mo dahil naniniwala akong pansamantala lang ang ligayang nada­ rama mo sa piling niya at mas nakahihigit ang pighating mararanasan mo sa ganyang relasyon.

Dr. Love

Show comments