Dear Dr. Love,
Harinawang datnan ka ng sulat ko na nasa mabuting kalusugan.
Kung maaari, ikubli mo ang tunay kong katauhan at tawagin mo na lang ako sa alyas na Daisy.
Desisyete-anyos lang ako at lumaki sa isang pamilyang mahirap. Hindi ko na kilala ang tatay ko pero sabi ng nanay ko, isa siyang American serviceman na nakatalik niya nang siya’y nagtatrabaho pa bilang hostess sa Olongapo. Hindi raw niya alam kung sino ang tatay ko dahil marami silang nakaniig niya sa loob lamang ng isang linggo.
May edad na ngayon ang nanay ko at isa na lamang siyang labandera. Isa lamang akong anak niya at hindi niya ako kayang pag-aralin sa kolehiyo. High school lang ang natapos ko.
Dahil sa hirap, napilitan akong makipag-relasyon sa isang matandang negosyante na 54-anyos na. Bagamat halos mandiri ako sa pakikipagrelasyon sa kanya, pinipilit ko na lang ang sarili ko dahil sa kanya nagmumula ang ikinabubuhay naming mag-ina. Itinira niya ako at ang aking ina sa isang apartment.
Mayroon akong tunay na boyfriend na mahal ko. Mahirap din siya at nauunawaan niya ang ginagawa ko. Alam kong mali pero kapit sa patalim ang nangyayari sa buhay ko. Ano ang dapat kong gawin?
Daisy
Dear Daisy,
Morally speaking, kasalanan ang ginagawa mo pero paano kita sisisihin gayung kailangan ninyong mabuhay ng iyong ina?
Ngunit may iba namang paraan para mabuhay nang disente basta’t hindi ka lang maghahangad ng sobrang luho sa katawan.
Maaari kang magbukas ng kahit maliit na tindahan o pumasok sa simpleng negosyong makakayanan mo. Puwede ka rin namang mag-working student para makapagpatuloy ka sa kolehiyo. Hindi ka dapat magapos sa ganyang relasyon habambuhay.
Dr. Love