Dear Dr. Love,
Una po, isang masaganang pagbati sa inyo at lahat ninyong mga kasamahan sa PSN.
Tawagin na lang po ninyo akong Jojo, 26-years old at tubong Lingayen, Pangasinan.
Hayaan po ninyong isalaysay ko ang kuwento ng aking buhay na naging masalimuot at sa dakong huli, naging daan sa aking pagkakabilanggo.
Mula sa pagbibinata hanggang sa sumapit ako sa edad na 21, puro barkada at bisyo ang aking inatupag at walang pakinabang sa akin ang aking mga magulang.
Nasawata lang ako sa barkada nang dumating sa buhay ko ang isang baae na niligawan ko at tinanggap naman ang inialay kong pag-ibig.
Naging masaya at makulay ang aming pagmamahalan. Hanggang nagpasya kami na magsama na at biniyayaan kami ng tatlong anak, isang lalaki at dalawang babae.
Pagkaraan ng ilang taon naming pagsasama, biglang nagbago ang takbo ng aming buhay.
Nagbalik ako sa bisyo at barkada. Kung saan-saan kami ipinapadpad ng mga paa sa paghahanap ng “thrill.”
Napabayaan ko ang aking pamilya. Hanggang sa dumating ang isang matinding pagsubok sa aking buhay. Naaresto ako at kinasuhan sa salang frustrated homicide at illegal possession of firearms.
Nakulong ako sa piitan ng Lingayen. Dito nagdilim bigla ang lahat sa akin.
Ang sabi ko sa aking sarili, ito na siguro ang ganti ng tadhana sa akin sa pagpapabaya ko sa aking pamilya.
Ngayon, naririto ako sa pambansang piitan. At ang masakit pa nito, naghiwalay kami ng aking asawa. Bumalik siya sa kanyang mga magulang sa Samar at iniwan niya sa aking mga magulang ang tatlo naming anak.
Sa ngayon po, tinatapos ko na lang ang mga nalalabing panahon ng hatol sa akin. Malapit na akong lumaya.
Bago po sana ako lumaya, nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Ngayon ko lang natanto ang katotohanan na bawat tao pala ay mayroong plano ang Diyos. Kung naging mabuti ay pagpapalain at kung nagpakasama, papaluin ka.
Hanggang dito na lang po at maraming salamat.
Lubos na gumagalang,
Jonathan M. Aquino
Room 133 Bldg. 1,
Medium Security Compound,
Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776
Dear Jonathan,
Tama ka. Ginigising ng ating Panginoon ang mga naliligaw ng landas sa mga pagsubok at pangyayaring nagsisilbing pamukaw sa mahimbing na pagkakaidlip.
Sa kaso mo, hindi ka naging mabuting ama at asawa kaya hindi nakatiis ang asawa mo at iniwanan ka niya.
Ang mga magulang mo naman ang siyang babalikat sa tungkuling mag-aruga ng inyong mga anak. Wala ka kaya hindi mo sila magagabayan.
Marahil, ang nangyari sa iyo ay magsisilbing tagapagtanda na hindi ka dapat na mahirati kang mapitik-pitik lang ang buhay.
May mga anak kang dapat na sustentuhan, alagaan at pakainin.
Nais mo bang ang ginawa mo noon sa mga magulang mo ay gawin sa iyo ng tatlo mong anak?
Mag-isip ka na at diretsuhin ang buhay mo. Sana, ang mga natutuhan mo diyan sa bilangguan ang makapagpapawasto sa iyong mga maling nagawa sa buhay.
Dr. Love