Biro ng tadhana
Dear Dr. Love,
Una po sa lahat, nais kong ipaabot ang isang mainit na pagbati sa inyo at sa lahat ninyong mga kasamahan sa PSN.
Nawa’y patuloy kayong pagpalain ng Panginoon para mas marami pa kayong matulungang tulad kong isang bilanggo.
Ako po ay tubong Baguio City. Sa madaling sabi, isang Ilokano.
Dito ko nakilala ang babaeng nagpatibok ng aking puso.
Kasama ko siya sa trabaho. Isa siyang regular na manggagawa ako naman ay nasa maintenance work.
Noong una, galit siya sa akin dahil muntik ko na siyang madisgrasya. Pero kalaunan, nagkabati na kami at naging magkaibigan. Niligawan ko siya dahil ang feeling ko, siya ang babaeng makakasama ko habang buhay.
Hindi naging madali para sa akin ang ligawan ang babaeng ito. Marami kasi akong karibal.
Pero noong 1995, sinagot niya ako at nagkasundo kaming mag-live in. Nagbunga ang aming pagmamahalan ng isang anak na babae.
Hanggang nagpasya kaming magpakasal na dahil sa alam namin sa isa’t isa ay nagmamahalan talaga kami.
Para ipagbigay-alam sa aking mga magulang ang nalalapit naming kasal, umuwi kaming mag-anak sa Baguio.
Pero sa pag-uwi ko palang ito magsisimula ang aking kalbaryo. May dalawang magkapatid na lasing na kumursunada sa akin. Ginulpi nila ako.
Hindi ko sana papatulan dahil lasing nga pero nang magbunot ng patalim ang isa sa mga ito, nagpasya akong magdepensa. Pinilit kong maagaw ang patalim na nagawa ko naman kaya lang, naisaksak ko ito sa isa sa dalawa.
Natalo ako sa korte sa ginawang paglilitis. Kaya heto ako, nakalaboso sa salang homicide.
Dito ako natutong umiyak. Damang-dama ko ang kabiguan sa buhay. Ang masama pa nito, iniwan na ako ng aking mahal at inilayo ang aming anak.
Nagpapasalamat ako sa Diyos na sa kabila ng aking sinapit, hindi Niya ako pinabayaan.
Sa ngayon, nag-aaral ako dito sa loob at aktibo rin akong lumahok sa Bible studies. Inaasahan kong sa paglaya ko, maaliwalas na ang isang bukas na naghihintay sa akin.
Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa aking liham at hangad kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Lubos na gumagalang,
Benjamin Melchor
4-C Student Dorm,
YRC, MSC,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Benjamin,
Salamat sa liham mo. Sana’y tuluy-tuloy na ang paghihilom ng sugat ng iyong puso sa pagtalikod ng babaeng minamahal.
Ang biro ng tadhana na naganap sa iyo ay may sukling kaligayahan sa mga darating na panahon. Ito ay kung matututuhan mong tanggapin ang nagawang pagkakasala at kung ipagpapatuloy mo ang pagtawag sa Diyos na siyang lumikha sa iyo.
Marahil, ang pagsubok na naganap sa buhay mo ay isa lang paraan para higit mong makilala ang ating Lumikha at yakapin ang kanyang mga aral.
Kahit dala lang ng kabiglaanan ang naganap na insidente, para idepensa ang sarili, nakagawa ka ng pagkakasala at ito ay dapat mong pagsisihan.
Alam ng pitak na ito na pinagsisihan mo na ang pagpatay sa isang tao at marahil, matatanto mo na ang kahalagahan ng pagtitimpi para hindi na maulit ang pangyayaring ito.
Patawarin mo na ang babaeng tumalikod sa iyo at sa sandaling makalaya ka na, saka mo na lang hangaring makita at makilala ka ng inyong anak.
Goodluck, ipagpatuloy mo ang pagpapakabuti, ang iyong pag-aaral at paglilingkod sa Panginoon.
Dr. Love
- Latest
- Trending