Over-possessive
Dear Dr. Love,
Una’y tatanungin kita. Tama ba na ang isang lalaki’y maghigpit sa kanyang girlfriend at idikta ang lahat ng kanyang gagawin, pati pananamit?Naitanong ko iyan dahil iyan mismo ang problema ko sa boyfriend ko. Tawagin mo na lang akong Yolly, 20 years-old. Sa unang linggo ng aming relasyon ay okay siya at wala akong maipintas. Nagtaka nga ako nang bigla siyang magbago.Tatlong buwan na kaming mag-on ng boyfriend ko. Pero habang nagtatagal ay nasasakal ako sa kanya. Sa tingin ko’y itinuturing niya akong personal property dahil pati ang oras ng pag-uwi ko sa aming bahay matapos ang klase at ang damit na isinusuot ko ay pinakikialaman niya.Gusto rin niya na lagi akong sinusundo sa school. Ayaw na ayaw din niya na makikita akong may kausap na kaklaseng lalaki.Mahal ko sana siya pero hindi na ako makahinga sa ginagawa niyang paghihigpit sa akin. Pero kung makikipag-break ako sa kanya, masasaktan ako dahil mahal ko siya. Please help me.
Yolly
Dear Yolly,
You cannot have best of both world, Yolly. It’s either na magbago siya ng trato sa iyo o hiwalayan mo na siya. Ikaw na rin ang may sabing nasasakal ka na sa kanya eh bakit nagtitiyaga ka sa piling niya? Hindi ba ang dahilan ng pakikipagrelasyon ay para lumigaya? Tanong ko, maligaya ka ba ngayon?Hindi tama na ituring kang alipin ninoman kahit pa kasintahan mo. Pang-aabuso na iyan. Isipin mo na lang na kung sa ngayon pa lang ay ganyan na siya, paano pa kung kasal na kayo at magkapiling habambuhay? Ang ganyang uri ng lalaki, ayon sa mga psychologist, ay may tendency na manakit ng kanilang partner kapag sobrang nagseselos. Huwag mong bayaang makahanay ka sa listahan ng mga battered wives.Kung gusto mong makahulagpos sa masama niyang trato sa iyo, makipag-break ka. Timbangin mo muna kung ano ang mas masakit: Ang manatili sa piling ng isang boyfriend na over-possessive o makipag-break?Use your coconut, iha.
Dr. Love
- Latest
- Trending