Hindi ako laruan
Dear Dr. Love,
Nagpapaabot ako sa iyo at sa lahat ng avid followers ng malaganap mong kolum ng mainit na pagbati. Harinawang nasa mabuting kalagayan ka sa pagtanggap mo ng sulat na ito.
Tawagin mo na lang ako sa alyas na Lonely Heart, isang dalagang 35 taong- gulang. Hindi naman ako pangit pero malas ako sa pag-ibig. Lima ang naging boyfriend ko at lahat sila’y minahal ko ngunit lahat sila ay nagtaksil sa akin.
Sa tatlo sa kanila’y naibigay ko ang aking pagkababae. Pero bakit ganoon? Ang lahat ng aking pagpapaubaya at pag-ibig na ipinakita sa kanila ay binalewala nila at itinuring lang akong laruan.
Lahat sila’y nawala sa akin. Ang iba’y nagpakasal sa ibang babae.
Ngayo’y may edad na ako pero mayroon pa ring nanliligaw sa akin. Kaya lang, natatakot na akong magbakasakali.
Ano ang maipapayo mo?
Lonely Heart
Dear Lonely Heart,
Wala kang ibang masisisi kundi ang sarili mo. Madali mong isuko sa iyong nagiging boyfriends ang iyong pagkababae.
Ginagawa kang laruan ng mga lalaki dahil pinapayagan mo sila. Ikaw ay babae at hindi laruan. Kailangang may taglay kang respeto sa sarili mo.
Sa edad mo ngayon, marahil ay nagkaroon ka na ng leksyon para huwag nang maulit ang iyong mapait na karanasan. Kung ako sa iyo, paninindigan ko na lang ang pagiging matandang dalaga.
Tandaan mo na kapag nadapa ka sa iisang lugar ng paulit-ulit, hindi na kamalasan iyan kundi katangahan.
Dr. Love
- Latest
- Trending