Nililigawan ng among Koreano
Dear Dr. Love,
Ako po ay isang katulong na namamasukan dito sa Caloocan. Tawagin mo na lang akong Gigi. Isa pong Koreano ang amo ko at siya lang ang pinagsisilbihan ko dahil wala ang pamilya niya rito.
Ako po ay 27-anyos at iniwanan ko ang aking asawa at dalawang anak sa Leyte dahil sa hirap ng buhay. Gusto ko mang mag-abroad ay mababa ang aking natapos kaya wala akong tsansa.
Sa probinsya, nagtitinda lang ako ng isda at ang mister ko ay mangingisda.
Kamakailan ay nag-propose sa akin ang aking amo. Sabi niya hiwalayan ko ang aking asawa at dadalhin niya ako sa Korea at dun pakakasalan. Minsan na akong natukso at kami’y nagsiping. Isang gabi lang iyon at di ko na inulit dahil nakokonsensiya ako.
Naisip ko na kung sasama ako sa kanya ay baka mabigyan ko ng magandang buhay ang aking mga anak.
Ano ang dapat kong gawin?
Gigi
Dear Gigi,
Hindi ganyan kadali ang iniisip mo. Huwag kang paloloko sa amo mong Koreano dahil gusto ka lang pagsamantalahan.
At nakaisa na nga siya. Kung ako ikaw, itigil mo na ang pangangarap nang gising. May asawa ka at mga anak at huwag kang magtataksil sa kanila.
Nakakatakot ang balak mong sumama sa Korea kung totoo man ang kanyang pangako dahil baka gawin ka lamang sex slave doon.
Ang magandang dapat mong gawin ay mag-alsabalutan ka na sa amo mong iyan.
Dr. Love
- Latest
- Trending