Tanggap na ang kapalaran

Dear Dr. Love,

Sana po sa pagtanggap ninyo ng liham kong ito, nasa mabuti kayong kalagayan.

Ako po si Ronaldo Alcarpio, 28 taong-gulang, binata at tubong Batangas City.

Nakapiit ako ngayon dahil sa kasalanang natanggap ko nang ako ang may kamalian.

Alam kong hindi ako nakinig sa aking mga magulang. Maging ang nobya ko ay hindi ko noon pinansin ang mga pakiusap sa akin.

Ipinagpalit ko ang aking mga magulang at nobya sa maling barkada at ito ang buong puso kong pinagsisisihan ko ngayon.

Nalulong kasi ako sa iba’t ibang bisyo. Maging ang tatlong taong relasyon namin ng girlfriend ko ay lumabo dahil sa nilason ang isipan ko ng bisyo at barkada.

Huli na nang mapagtanto kong nakakulong na ako ngayon at huli na ang pagsisisi.

Ang konsuwelo ko na lang, napatawad ako ng aking mga magulang sa pagkakamali ko at binigyan pa ng ikalawang pagkakataon para makabangon sa lusak na kinalubluban.

Ang girlfriend ko naman, kinausap ako at sinabing hindi na niya ako mahihintay pa at nagkahiwalay kaming walang samaan ng loob.

Pinalaya ko na siya at idinalanging sana, maka­tagpo siya ng ibang higit na makapagpapaligaya sa kanya.

Sa kasalukuyan po, nag-aaral ako dito sa loob at ipinagpapatuloy ko ang pag-aaral ko sa kursong Komersiyo.

Ang dalangin ko lang, makabangon ako sa kinasadlakan kong kalagayan.

Sana, hindi pa nga huli ang lahat. Sana, mayroon pang naghihintay sa aking magandang bukas kahit pa nga nawalan ako ng direksiyon sa buhay.

Sa ngayon, hangad kong makabangon alang-alang sa aking mga magulang na hindi nagdalawang-loob na magpatawad sa akin at suportahan ang aking pangakong pagbabago.

Sana, hindi na uli ako masaktan sa pag-ibig. Sana, sana...

Ronald Alcarpio

4-D College Dorm,

MSC, Camp Sampaguita,

1776 Muntinlupa City

Dear Ronald,

Hindi pa huli ang pagbabago. Kahit pa nga nahihirapan ka sa ngayon, tiisin mo ito alang-alang sa ikalawang pagkakataong ibinigay ng iyong mga magulang para makabangon ka sa kamalian.

Mabuti naman at napagkuro mo na ikaw talaga ang may sala.

At alam ng pitak na ito na ngayong alam mo ang iyong mali, pipilitin mong mawasto ang sarili at sa paglaya mo, hindi ka na uli maliligaw ng landas.

Masaya ang may barkada. Pero kailangang piliin mo ang sasamahan mong mga kaibigan. Hindi iyong pangkat na itinuturing kang sikat dahil mayroon kang maibibigay sa kanila pero ililigaw ka naman sa landas na tinatahak.

Dumalangin ka na hindi ka na uli magkakamali para hindi masayang ang sinisikap mong pagbabago ng landas.

Dr. Love

Show comments