Huwag ang utol ko at si Inay
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po akong “Boy Life”. Iyon po ang taguri sa akin ng aking mga kasamahan dito sa bilangguan.
Ang dahilan po, habambuhay na pagkabilanggo ang naging hatol sa akin matapos kong mapatay nang hindi sinasadya ang lalaking nagtangkang pagsamantalahan ang aking kapatid na babae mismo sa loob ng aming tahanan at sinaktan pa niya si Inay.
Ang lalaki pong napatay ko nang hindi sinasadya ay isang manliligaw ng aking kapatid. Mabait sana siya pero kapag napangingibabawan ng ispiritu ng alak at droga, nagbabago ang kanyang ugali.
Nadatnan ko kasi sa aming tahanan ang biktima na pinagsasamantalahan ang aking kapatid at ang maysakit kong ina ay kanya pang sinaktan.
Kaya po sa tindi ng galit ko, hindi ko napigilan ang sarili na kumuha ng kutsilyo sa kusina at pinagsasaksak ko siya.
Kusa po akong sumuko sa mga may kapangyarihan para panagutan ang nagawang pagkakasala. Kaya heto po ako, nakabilanggo.
Ginawa po ng mga magulang ko ang kanilang makakaya para mapababa sa homicide ang kaso pero bigong mangyari iyon sa kawalan namin ng salaping magagastos.
Taong 1995 po ako ginawaran ng sentensiya at noon ay 22-anyos pa lang ako at ngayo’y 38-anyos na ako.
Hindi ko po pinagsisisihan ang ginawa kong pagtatanggol sa aking kapatid at ina laban sa isang lalaking bagaman kung titingnan ay mukhang mabait pero nawawala sa katinuan kapag nangingibabaw ang ispiritu ng alak at bawal na gamot.
Kaya lang po, hindi ko po mapigilan ang malungkot at hanggang ngayon ay hindi pa matanggap na nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong.
Naghihirap ang kalooban ko sa labis kong pangungulila sa mga mahal ko sa buhay.
Kaya naman po ang pakiusap ko sa inyo, sana ay magkaroon ako ng isang kaibigan sa panulat na makakaunawa sa aking kalagayan.
Alam kong isa lang akong hamak na bilanggo pero mayroon naman akong magandang kalooban.
Maraming salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Ricky A. Demato
Student Dorm 4-A,
YRC Bldg., Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Boy Life,
Talagang kapag ang kaligtasan ng pamilya ang nakataya na, ang isang nagmamahal na anak ay nakakagawa ng mga bagay na hindi sukat akalaing magagawa. At sa kaso mo, iyan ang pinatunayan mo sa iyong kapatid at sa iyong ina.
Pero marahil kung hindi ka masyadong nabigla, maaaring pinilayan mo lang o binalda ang lalaki napatay mo na ika mo ay nawawala sa sarili kung nasa ilalim ng impuwensiya ng alak at droga.
Anyways, nagawa mo na ang hindi sinasadyang aksiyon dahil sa kabiglaanan at sa tindi ng emosyon sa awa mo sa kapatid at habag sa sinaktang ina.
Bagaman ang hatol sa iyo ay habambuhay na pagkabilanggo, marahil sa pagpapakita ng kabutihang asal diyan sa loob ng bilangguan, maaari ka ring magbakasakali sa pagpapababa ng sentensiya. Huwag kang mawawalan ng pag-asa.
Pagbutihin mo rin ang iyong pag-aaral para magkaroon ka ng magandang pagyayaman ng iyong talino sa sandaling makalaya ka na.
Walang imposible sa Panginoon na huwag mo sanang kaliligtaang tawagan at hingan ng tulong.
Hingan mo Siya ng patawad sa kasalanang nagawa at Siya ang makakaalam kung paano ka magkakaroon ng magandang pagkakataong makalaya sa kasalukuyan mong kinaroroonan.
Habang may buhay, may pag-asa.
Dr. Love
- Latest
- Trending