Dahil sa droga, gumuho ang pangarap
Dear Dr. Love,
Isa pong taos-pusong pagbati sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa pahayagang Pilipino Star NGAYON.
Ako po si Lito Layno, isa sa masusugid na tagasubaybay sa pitak na Dr. Love. Tulad ng iba pang mga kasamahan ko dito na lumiham na sa inyong column, ang layon ko po sa pagliham na ito ay para maihinga ang sama ng aking loob at sana, makapagkaloob ito ng aral sa inyong mga mambabasa.
Ako po ay mula sa isang mahirap na pamilya at sa isang bukid namulat ang mga mata.
Dahil sa kahirapan, hindi ako nakatuntong sa mataas na antas ng pinag-aralan, lalo na nang mamatay ang aking ama at maiwan kay Inay ang obligasyon para buhayin kaming magkakapatid.
Dala ng awa sa magulang, huminto na lang ako ng pag-aaral at nagpasyang magtrabaho sa Maynila para maiangat ang aming buhay sa karalitaan.
Lumuwas nga ako ng Maynila. Hindi pala madaling maghanap ng trabaho sa siyudad lalo na’t walang natapos na kurso.
Pero sa tulong ng aking mga kaibigan, napasok akong isang boy sa isang may kayang pamilya.
Sa tulong na rin ng tiyaga at pagsisikap, natuto akong mag-drive kaya’t mula sa pagiging boy, naging driver ako at ang tungkulin ko ay ihatid at sunduin ang anak ng aking amo, si Fe, sa kanyang opisina.
Mabait sa akin si Fe. Lagi niya akong binibigyan ng allowance na pandagdag ko raw sa aking ipinadadala sa aking magulang at kapatid sa probinsiya.
Hindi ko akalaing magkakaroon kami ng relasyon ng anak ng aking amo. Pero hindi ko ito napigilan dahil nga sa mabait si Fe. Hindi nagtagal at umabot ito sa kaalaman ng kanyang mga magulang at pinalayas nila ako sa kanilang tahanan.
Wala akong magawa kundi umuwi na lang sa aking pamilya sa lalawigan. Hindi ko akalaing susundan ako dito ni Fe dahil napamahal na rin ako sa kanya.
Nagsama kaming dalawa bilang mag-asawa at nagkaroon ng isang magandang supling.
Subalit nasundan kami ng mga magulang ni Fe. Sa tulong ng mga pulis na kanilang kasama, sapilitan nilang kinuha ang aking asawa at anak para ilayo sa akin.
Ang sama ng aking loob. Ang buhay nga naman ng mahirap. Wala akong kakayahang ipagdepensa ang aking karapatan at maging ang kaligayahan ng aking pamilya.
Mula noon, nawalan na ako ng sigla sa buhay. Naging malulungkutin. Para makalimutan ang problema, narahuyo akong gumamit ng bawal na gamot sa udyok ng isang kaibigan.
Pero pansamantala lamang na kagamutan sa suliranin ang bisyong ito. Kaya nga ako nakulong ay dahil sa droga.
Ang akin namang mag-ina ay tuluyan nang nakubabawan ng kapangyarihan ng mga magulang ni Fe. Hanggang sa nalaman ko na lang na ipinakasal na si Fe ng kanyang mga magulang sa isang mayamang lalaki.
Ngayon, naririto ako sa bilangguan. Pero para mapunan ang aking kalungkutan at maitaguyod ang pagpapayaman ng aking kaisipan, nagpasya akong mag-aral dito sa bilangguan.
Sana po, may mambabasang magkainteres sa lumiham at makipagkaibigan sa akin para mabuhay ang aking pag-asa sa buhay.
Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito.
Gumagalang,
Lito D. Layno
Student Dorm 232,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Lito,
Ang nangyari sa iyo ay nagpapatunay lamang na walang ibubungang mabuti ang paggamit ng bawal na gamot.
Mabuti naman at naliwanagan ka na sa halip na malimutan mo ang iyong problema sa kasawian mong tinamo sa pag-ibig, lalo ka lang nalublob sa kumunoy ng kasawian nang gumamit ka ng droga at ngayon nga ay nakakulong ka.
Sana ang patotoo mong ito sa iyong kasaysayan ay makatulong nang malaki sa puspusang kampanyang itinataguyod ngayon ng pamahalaan laban sa bawal na gamot.
Pagbutihin mo na lang ang pag-aaral mo at sana, tuluy-tuloy na ang pagbabago mo ng landas para sa sandaling makalaya ka, maganda na ang kinabukasang naghihintay sa iyo.
Makakatagpo ka pa ng ibang babaeng magmamahal sa iyo at mamahalin mo naman para pagtuwangan ninyong buuing muli ang naunsiyami mong pangarap.
Dr. Love
- Latest
- Trending