Dear Dr. Love,
Isang taos pusong pagbati sa inyo at sana’y umabot ang liham kong ito na nasa mabuti kayong kalusugan.
Masugid mo po akong tagasubaybay ng inyong pitak at kinaluluguran ko ang mga payo ninyo sa bawa’t problemang idinudulog ng inyong mambabasa.
Tawagin mo na lang po akong Lonely Girl, 23 years old, may boyfriend at kasalukuyang narito sa probinsiya.
Ang problema ko po ay ang alok na pagpapakasal ng aking boyfriend.
Mahal ko po siya at ako man, gusto ko na ring lumagay sa tahimik.
Ang suliranin ko po, mayroon akong karamdamang nakakahawa.
Hindi ko po maipagtapat sa nobyo ko ang aking kalagayan pangkalusugan.
Natatakot po ako na layuan niya kung mabatid niyang mayroon akong Hepa B. Sinabi rin po ng doktor na ito ay isang nakakahawang karamdaman.
Ano po ba ang nararapat kong gawin?
Nagbigay ang doktor ng gamot na iinumin ko at ginawa ko naman pero hindi pa naman ako guma galing. Hindi ko nga tuluy-tuloy na mabili ang gamot dahil sa problema pinansiyal.
Ano kaya ang mabuti kong gawin? Kailangan ko po bang sabihin sa nobyo ko ang kalagayan kong pangkalusugan?
Hanggang dito na lang po at sana matugunan ninyo ang problemang ito.
Laging umaasa,
Lonely Girl
Dear Lonely Girl,
Hindi makabubuting ilihim mo sa kasintahan ang kalagayan ng iyong kalusugan.
Lilitaw at lilitaw ang kalagayan mong pisikal sa loob ng inyong pagsasama at lalong mahirap na kamuhian ka niya kung kayo ay magkasama na.
Hindi lang nobyo mo ang magagalit sa iyo kundi maging ang kanyang pamilya.
Mas mabuti na ang tapat ka sa tunay mong kalagayan. Malay mo, baka tumulong pa nga siya sa iyo sa pagpapagamot.
Kung tunay ang pagmamahal niya sa iyo, hindi ka niya lalayuan kahit ka may karamdaman.
Mas makabubuting sumangguni ka sa iba pang doktor at humingi ng second o kaya third opinion.
Huwag kang mag-alala sa gastos dahil mayroon namang mga libreng pagamutan na puwede mong lapitan para hingan ng tulong.
Alam ba ng iyong mga magulang ang karamdaman mo?
Mas mabuti ang naaagapan sa pagpapagamot sa ganyang uri ng sakit kaysa lumala pa ito.
Dr. Love