Dear Dr. Love,
Ako po’y bumabati sa inyo at sa lahat ng mga tagasubaybay ng malaganap mong kolum. Sana’y datnan kayo ng aking sulat na nasa mabuting kalagayan.
Tawagin mo na lang akong Zeny, 51- anyos. Sampung taon na ang nakararaan ay pumasok na seaman ang aking asawa. Noong una’y walang problema. Pagkatapos ng dalawang taon ay nagbalik siya at ilang buwan lang ay umalis na naman siya.
Noong una’y panay ang sulat niya at e-mail sa akin. Pero nahinto yaon. Pati ang remittance ng pera ay natigil. Isang taon akong lost contact sa kanya. Nang mag-inquire ako sa kompanya niya, nalaman ko na hindi na siya konektado doon. Sabi ng aking kaibigan, baka nag-jump-ship siya at lumipat sa ibang kompanya na hindi ko nalalaman.
Ngayon ay mag-isa kong itinaguyod ang aming nag-iisang anak na nag-aaral na sa college.
Gusto ko lang itanong sa iyo kung puwede na akong mag-entertain ng manliligaw at mag-asawa muli. Hindi mo naitatanong, kahit mahigit na ako sa 50 ay mukhang bata pa ako at marami ang nanliligaw pero hindi ko pinapansin.
Ano ang maipapayo mo?
Zeny
Dear Zeny,
Hindi ako abogado pero sa tingin ko ay daraan pa iyan sa proseso para maideklara na ikaw ay malaya na at puwedeng mag-asawang muli.
Sa bagay na iyan ay dapat kang sumangguni sa abogado. Ngunit sa edad mo ngayon ay bakit ka pa kailangang mag-asawa?
Ang pag-aasawa kasi, lalo na sa katulad mo, ay may kaakibat na risk. Baka isang mapagsamantala lang ang makukuha mo at magsisisi ka lang.
Pero karapatan mo iyan. Kung diyan ka liligaya, sige ituloy mo.
Dr. Love