Hihiwalayan ba ang ka-live-in?
Dear Dr. Love,
Nagpaparating ako sa iyo, sa buo mong pamilya at staff ng Pilipino Star NGAYON, ng isang mapagpalang araw. Harinawang datnan ka ng liham ko ko na malayo sa kapahamakan.
Tawagin mo na lamang akong Lerma, 27 years-old. Isa akong empleyada sa banko at may ka-live-in. Hindi kami makapagpakasal dahil hiwalay lang siya sa asawa pero wala pang annulment.
Tatlong taon na kami at may dalawang anak. Balita namin ay nasa Germany na ang kanyang asawa at nagpakasal na sa isang German.
May mga nagpapayo sa akin na hiwalayan ko na siya dahil wala pa kaming formal annulment. Kung anu’t ano man daw ay maaari akong kasuhan ng adultery ng kanyang asawa at concubinage naman sa kanya.
Gusto naming ipa-annul ang unang kasal niya pero wala naman sa bansa ang kanyang asawa at baka kami mahirapan. Ano ang dapat kong gawin?
Lerma
Dear Lerma,
Iyan ay isang legal matter na dapat isangguni sa isang abogado. Pero may katuwiran ang mga nagsasabing baka puwede kang idemanda ng misis ng ka-live-in mo. Ibig sabihin, may ground para gawin niya ito. Ngunit kung totoong kasal siya sa kanyang asawang German, mas mabigat ang kaso niyang bigamy.
Samantala, mapapanatag kayo habang walang gumagawa ng legal action. Tuloy ang inyong pagsasama sa iisang bubong habang walang nagdedemanda.
Masalimuot na ang problema mo dahil may mga anak na kayo. Ang maipapayo ko na lang ay ituloy n’yo ang pagpapalaki nang maayos sa inyong anak at kumonsulta kayo sa abogado sa aspetong annulment.
Dr. Love
- Latest
- Trending