Kung kailan kailangan ko siya
Dear Dr. Love,
Greetings in the name of our dear Lord Jesus Christ!
Lumiham po ako sa inyo para maibahagi ang naging karanasan ko sa buhay at kung paano ito nakaapekto sa aking katauhan.
Isa akong bilanggo, sa isang pagkakasalang hindi ko akalaing magagawa ko at dulot lang ng pangangailangan ng pagkakataon.
Ang buong akala ko, pahahalagahan ito ng babaeng ipinagtanggol ko at minahal nang labis. Pero iniwan niya ako at pinabayaang magdusa.
Kung kailan pa naman kailangan ko siya, saka siya naglahong parang bula. Ang pinangalagaan niya lang ay ang kanyang sarili.
Naganap po ang trahedyang ito nang minsang magkayayaan kaming manood ng sine ng aking girlfriend.
Noon po, isa akong manggagawa sa isang grocery, ang lugar na nakilala ko ang aking nobya.
Niligawan ko siya at tinanggap naman niya ang inialay kong pagmamahal.
Ang akala ko, natagpuan ko na ang babaeng pakakasalan ko at mamahalin habambuhay. Noon pala iyon, noong wala pang problema sa buhay ko.
Noon lang pala niya ako mahal. Hindi ko pala siya makakaramay sa problema.
Gaya nang nabanggit ko, nang makatapos na kaming makapagsine, uuwi na sana kami nang mapansin kong sinusundan kami ng dalawang lalaki.
Nagsalita ang isa sa kanila na sila na raw ang maghahatid sa gf ko.
Siyempre, pumalag ako sa nais nila. Doon nagsimulang magdilim ang paningin ko at nasuntok ko ang isa sa kanila.
Bigla kamong naglabas ng baril ang isa sa kanila at itinutok ito sa akin. Nanlaban ako. Sinikap kong maagaw ang baril at nakuha ko naman ito.
Pero, bigla akong dinakma ng isa pa at dito hindi ko sinasadyang naiputok ang naagaw na sandata at ito ay tumama sa dibdib ng una kong nakasuntukan.
Sumuko ako sa mga alagad ng batas nang mapatay ko ang lalaking iyon. Ang isa pa, mabilis na tumakas.
Ang akala ko, sa pagsuko ko, mapapawalang sala ako at mapapatunayang ipinagtanggol ko lang ang aking sarili.
Pero wala akong maiharap sa husgadong magpapatunay na self defense ang nanagyari. Nawala nga ang nobya ko at naiwan akong nag-iisa sa pamimighati para panagutan ang nagawa kong kasalanan.
Ngayon ko lang napag-isip na ang isa palang tao ay dapat na maging matimpi sa sarili para hindi mapasok sa gusot.
Nakuro ko rin na wala palang magmamakainit na idepensa ako sa problema kundi ang sarili ko lang dahil kulang ang pagtingin at pagmamahal sa akin ng nobya ko.
Ang laki ko palang tanga. Hindi ko pala maaasahang ipagtanggol ako ng babaeng minahal ko at inakalang mahal din niya ako.
Hindi ako masamang tao at alam niya iyon. Pero nasaan siya nang kailangan ko siya?
Dr. Love, nais ko po sanang humingi sa inyo ng kaunting pabor. Sana po, mailathala ninyo ang liham kong ito para kung sino ang makakabasa nito at nais nilang makipagsulatan sa akin, ituturing ko itong isang malaking prebelihiyo.
Maraming salamat po at God bless you.
Sumasainyo,
Andy Villamor
1-A Student Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Andy,
Mabuti naman at aminado kang nagkulang ka nga sa pagtitimpi kaya ka napasok sa magulong sitwasyon.
Maaaring naiwasan mo sana ang trahedyang ito kung dinaan mo muna sa mabuting pananalita ang pagsita sa itinuturing mong hindi pagbibigay respeto sa nobya mo mula sa dalawang lalaki na hindi naman ninyo kakilala.
Bagaman hindi rin naman maganda ang ginawa nila dahil ito ay isang pambabastos sa kasama mong babae, sa isang dako, maaaring wala sa sariling katinuan ng pag-iisip ang dalawa at ang alok na paghahatid ay ginawa nila dahil sa dikta ng langong pag-iisip kundi man sa droga.
Isa lang itong espekulasyon. Hindi rin naman maganda ang ginawa sa iyo ng nobya mo dahil tumanggi siyang tumestigo sa pamamagitan ng tuluyan nang pag-alis sa kanilang lugar para hindi madamay sa iyong problema.
Ipagpatuloy mo ang pagbabagong buhay diyan sa loob at nakita kong ang panahon mo diyan ay iniuukol mo sa pagpapatuloy ng pag-aaral.
Mabuti iyan para mapalawak pa ang iyong kaalaman sa maraming bagay kasama na ang mga karapatan mo bilang isang mamamayan.
Pagbutihin mo ang pagbabago at sa tulong ng Panginoon, malalampasan mo ang mga problemang kinakaharap at dumating na sa iyong buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending