Problema sa anak
Dear Dr. Love,
Ako’y bumabati muna sa iyo at sa lahat ng mga mambabasa ng iyong kolum. Umaasa akong mapagpapayuhan mo ako sa aking problema sa anak kong babae.
Tawagin mo na lang akong Peter, 42-anyos at namruroblema sa anak kong babae.
Kinse anyos lang si Len at nasa fourth year high school pero tila seryoso siya sa pakikipagrelasyon sa kanyang boyfriend. Nababalitaan ko lang sa iba na may boyfriend na siya pero ni minsan ay hindi ko nakitang umakyat ng ligaw ang lalaking ito.
Madalas siyang ginagabi ng uwi na hindi naman niya dating ginagawa. Hindi ako nagkukulang ng paalala sa kanya. Alam ko na sa panahong ito, maraming kabataan ang napapahamak dahil sa kapusukan.
Kapag tinatanong ko siya, ayaw niyang umamin at sinasabing may group study sila sa bahay ng kanyang kaklase.
Ano ang dapat kong gawin?
Peter
Dear Peter,
Masyadong bata pa ang iyong anak para sa seryosong relasyon. Marahil, himukin mo siyang dalhin sa inyong bahay ang kanyang boyfriend at kapwa mo sila pagsabihan. Sabihin mo sa lalaki na maayos siyang umakyat ng ligaw at hindi yung sa labas sila nagkikita.
Hindi masama ang pakikipag-boyfriend pero kung lumalampas sa boundary ay dapat talagang manghimasok ang isang magulang.
Sabihin mo sa kanila na sila’y nasa high school pa lang at dapat maging prayoridad ang pag-aaral sapagkat ang pag-aasawa ay may kaakibat na responsibilidad.
Dr. Love
- Latest
- Trending