Dear Dr. Love,
Bago po ang lahat, nais ko munang batiin kayo ng isang masaya at mapagpalang araw. Nawa po ay lagi kayong gabayan ng Poong Maykapal.
Isa po ako sa libu-libong tagahanga ng inyong column. Dahil sa pagbabasa ko nito ay nagkakaroon ako ng panibagong pag-asa sa buhay.
Ang nais ko lang malaman ay kung mayroon pa kayang taong magtitiwala sa akin ngayong ako ay nasa kulungan dahil sa hindi sinasadyang pagkakapatay ng tao.
Ako po si Warlito Lopez pero tawagin na lang po ninyo ako sa isang palayaw na Warly.
Nagsimula po ang problema ko nang magkaroon ako ng kasintahan, si Cristeta. Ayaw po sa akin ng kanyang mga magulang dahil gusto nilang maging asawa ni Cristeta ay si Nilo.
Dahil nagmamahalan kami, palihim kami kung magkita hanggang sa nagbunga ang aming lihim na pagtatago.
Isang araw, nagkita kami ni Cristeta sa aming tagpuan sa tabing-dagat. Nasundan pala kami ni Nilo at nagsumbong sa kanyang mga magulang.
Pinuntahan po nila kami at dito ay pinagsusuntok ako ni Nilo at ng iba pa nilang kasama.
Hindi ako lumaban sa umpisa hanggang sa pumagitna ang aking nobya at siya ang natamaan ng isang malakas na suntok.
Dito ako nagalit nang husto, lalo na nang makita kong bumulagta si Cristeta at mawalan ng malay.
Agad siyang binuhat ng kanyang tatay palayo at noong sumandaling yaon naman, nakahiga pa rin ako sa buhangin habang hindi pa tumitigil ng panununtok si Nilo.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakadakot ako ng buhangin at isinaboy ko yaon sa mukha ni Nilo. Nakahagip ako ng kahoy at iyon ang ipinukpok ko sa kanya hanggang makita ko siyang duguan at wala nang buhay.
Sinundan ko si Cristeta sa kanilang bahay pero hindi ko siya nakita. Hindi naman nagtagal at may dumating na mga pulis at ako ay inaresto.
Ikinulong nila ako at kinasuhan ng murder.
Nalaman ko na lang kinalaunan na nakunan si Cristeta. Nalaglag ang aming baby na dinadala niya sa sinapupunan dahil sa suntok na tumama sa kanya.
Nalaman ko rin na nagsampa sa akin ng demanda ang mga magulang ni Cristeta at ang naging testigo pa laban sa akin ay ang aking nobya.
Talagang napakasakit ng nangyari sa akin. Tinalikuran na ako ng babaeng minamahal at ang nanay ko, namatay sa sama ng loob at ni hindi ko man lang nakita ang kanyang burol at libing.
Dr. Love, sa tingin po ninyo, may tao pa kayang magtitiwala sa akin dahil sa nangyaring ito sa aking buhay? May babae pa kayang mag-uukol sa akin ng pang-unawa at pagmamahal?
Humihingi po ako ng inyong payo at sana, sa pamamagitan ng pitak ninyong ito, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Hanggang dito na lang po at maraming salamat sa inyong pagbibigay daan sa liham na ito.
Lubos na gumagalang,
Warlito Lopez
Bldg. 2 Dorm 224,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Warlito,
Habang may buhay ang isang tao, hindi siya dapat na mawalan ng pag-asa sa buhay. Kung ikaw sa ngayon ay sadlak sa kalungkutan at pagdurusa, darating din ang pagkakataon na makakaahon ka sa kalagayang ito at kung ginagabayan ka ng Panginoon, makakaahon ka sa kinasadlakan mong bilangguan.
Pagsisihan mo ang nagawang pagkakasala at kung tapat ka sa iyong pagsisisi, diringgin ng Diyos ang iyong panawagan. Patawarin mo na lang ang dati mong nobya.
Maaaring nakumbinsi siya ng mga magulang na tumestigo laban sa iyo.
Ano pa nga ba ang kanyang magagawa? Nasa bilangguan ka at wala na siyang ibang masasandigang susuporta sa nalikhang alingasngas ng sanggol na dinadala niya sa sinapupunan.
Hindi isang karuwagan ang tumakbo sa laban.
Nasusukat ang pagkatao ng isang tao kung mayroon siyang disiplina sa sarili, matimpi at makasampung ulit na iniisip ang gagawing aksiyon bago niya isagawa ito para hindi pagsisihan sa dakong huli.
Sa iyong kaso, nasayang ang pagpapakabayani mo dahil tinalikuran ka rin ng babaeng minamahal mo.
Oo, may makakaunawa pa sa iyong iba. Huwag ka lang magmadali at maging mainipin.
Dr. Love