Dear Dr. Love,
A pleasant greetings to you my favorite love adviser, Dr. Love.
Noong araw, maligaya ako’t walang problema. Hindi mo naitatanong, matandang dalaga ako. Tawagin mo na lang akong Ceferina. Umabot ako sa edad na 43 nang single dahil lubha akong abala sa pagpapaaral sa aking dalawang pamangkin. Ulila na kasi sila at ako lang ang puwedeng umaruga sa kanila. Bata pa lang sila nang mamatay sa aksidente ang kanilang mga magulang.
Ngayon ay magtatapos na sa college ang isa at ang isa’y sa susunod na taon pa magtatapos. Nagkaroon ako ng problema nang ligawan ako ng isang biyudo. Sinagot ko siya. For the first time after so many years ay umibig ako muli.
Ang problema’y tutol ang aking mga pamangkin. Natatakot silang may makaagaw sa aking atensiyon. Tiniyak ko naman sa kanila na hindi ko sila pababayaan pero hindi ko sila makumbinsi. Ano ang gagawin ko? Makipag-break na kaya ako sa aking boyfriend?
Ceferina
Dear Ceferina,
You are entitled to your pursuit of happiness at iyan ay dapat maunawaan ng iyong mga pamangkin. Halos buong buhay mo ay ginugol mo para sa kanila. Ngayong magtatapos na sila pareho’y hindi nila dapat ipagkait ang ikaliligaya mo.
Kausapin mo silang mabuti at iyan ang ipaunawa mo sa kanila. Naniniwala ako na maiintindihan nila ang lahat kung ipaliliwanag mong mabuti.
Dr. Love