Dear Dr. Love,
Isang pagpupugay ang ipinaaabot ko sa iyo at sa lahat ng mga sumusubaybay sa Dr. Love.
Sampung taon na akong avid reader ng Pilipino Star NGAYON at ang kinagigiliwan kong basahin at ng buo naming pamilya ay ang iyong column.
Marami kasing aral ang napupulot ng mga readers mula sa mga payo mo Dr. Love. Kaya naman lagi ko itong binabasa araw-araw.
Hindi ko sukat akalain na isang araw, heto ako at humihingi rin ng iyong payo.
Itago mo na lang ako sa alias na Dante, 28-anyos at may asawa. Matanda sa akin ng limang taon ang misis ko.
Wala akong maipipintas dahil matagumpay siyang negosyante. Pero isang bagay lang ang inaayawan ko sa kanya at hindi ko siya mabago sa masamang gawaing ito. Nagpupunta siya sa casino at naloloko sa slot machine.
Ginagawa niya ito minsan o dalawang beses isang linggo. Hindi ako sugarol pero napipilitan akong pumasok sa casino kapag susunduin ko siya. Hindi ko naman siya puwedeng bayaang umuwing nag-iisa lalo na kung nadidis-oras sa pag-uwi. Ilang beses na naming pinag-aawayan ang kanyang pagsusugal hanggang sa sumuko na ako. Ayaw ko nang magalit dahil wala namang nangyayari.
Palibhasa’y mas malakas siyang kumita sa akin. Pero sana, mas maginhawa ang buhay namin kung hindi siya natatalo sa sugal na ito.
Ano ang dapat kong gawin para mabago siya?
Dante
Dear Dante,
Hindi ko alam kung gaano kalubha ang pagsusugal ng iyong misis. Pero talagang masamang bisyo ang casino. Mayroong iba na ginagawa lamang itong libangan at may kontrol sa sarili. Pero mayroong iba na talagang hindi tumitigil hangga’t hindi nauubos ang pera sa lukbutan.
Habang nananalo, gustong paramihin ang panalo. Pero habang natatalo, gustong makabawi kaya ang nangyayari’y umuuwi silang luhaan.
Ang tawag sa pagkahumaling sa sugal ay ludomania at gaya ng ibang psychological disorder, baka kailangang dalhin mo ang iyong asawa sa psychologist o psychiatrist para magamot. Kung hindi pa naman nagkakasanla-sanla ang inyong mga ari-arian ay hindi pa marahil ito malubha. Ngunit hihintayin pa bang umabot diyan?
Kung ang mga nalululong sa alcohol o droga ay kailangang dumaan sa rehabilitasyon, marahil kailangan ding ma-rehabilitate ng misis mo.
Dr. Love