Bubuuin uli ang naunsiyaming mga pangarap
Dear Dr. Love,
Greetings to you and to all staff members of Pilipino Star NGAYON.
Ako po si Jose Geron, 29-anyos, tubong Santiago, Isabela. Sumulat po ako sa inyong column para maibahagi ko ang malungkot kong karanasan sa pag-ibig at ang kasalukuyan kong kalagayan dito sa bilangguan.
Alam ko pong marami kayong natulungan sa pamamagitan ng mahalaga ninyong payo kaya, heto ako, umaamot din na sana ay mapayuhan ninyo sa problema ko sa pag-ibig.
Narito ako ngayon sa pambansang bilangguan sa salang pagpatay. Dahil sa sobra kong pagmamahal sa aking girlfriend, napatay ko ang lalaking gumahasa sa kanya dahil sa pagtatanggol ko sa aking sarili.
Subali’t habang ako ay nagdurusa dito sa bilangguan, ni minsan ay hindi ko man lang nasilayan ang aking girlfriend na idinepensa.
Tinanggap kong lahat ang aking kabiguan sa pag-iisa at ni minsan ay hindi ko siya sinumbatan.
Habang lumilipas ang mga araw, unti-unti ko na ring natanggap ang mga pangyayaring nagbunsod sa aking pagkakabilanggo.
Pero naroon pa rin ang tinatawag na pananabik sa aking nobya. Uhaw ako sa kanyang pagmamahal.
Upang maiwasan ang kalungkutan, minabuti kong ipagpatuloy ang pag-aaral sa pagsisikap na maiangat ang aking sarili para sa sandaling makalabas na ako sa piitan, hindi ako mabalewala ng aking kapwa. Nais ko ring muling mabuo ang aking naunsiyaming mga pangarap.
Kahit ako ay nasa piitan, hindi pa rin nawawala sa akin ang mangarap na balang-araw, magkakaroon ako ng tahimik at masayang pamilya.
Sana rin po, mabasa ito ng aking girlfriend para malaman niyang sa kabila ng lahat, hindi ko pa rin siya nalilimutan.
Maraming salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Jose Geron
232 Student Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Jose,
Mabuti naman at malakas pa rin ang fighting spirit mo sa kabila ng kasawiang naganap sa iyong buhay.
Alam kong kaya mong pangibabawin ang mahusay na disposisyon sa buhay na nakaligtaan mong gawin nang makapatay ka ng tao dahil sa matinding pagna nais na maiganti ang nobya mo sa kaapihang tinamo niya sa lumapastangan sa kanyang pagkababae.
Ang nobya mo ay maaaring nagdaranas din ng paghihimutok sa buhay dahil sa naganap sa kanyang pagkababae kaya marahil hindi ka na niya nadalaw diyan sa piitan. Maaaring takot din siya at ang kanyang pamilya sa maaaring pagbawing gawin sa kanya ng mga kamag-anak ng napatay mo. Hindi kaya?
O kaya naman, maaaring nahihiya rin siya sa iyo dahil sa biktima siya ng rape at hindi na mabubuo pang muli ang nadungisan niyang puri.
Anyways, ipagpatuloy mo ang pagbabagong buhay diyan sa piitan at ipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral.
Kailangan mong maihanda ang iyong sarili sa pagpapanibagong tatag ng buhay sa sandaling makalaya ka na. May magagamit kang mahalagang puhunan sa paghahanap ng trabaho kundi man ay sa pagtatayo ng sariling negosyo.
Huwag kang makakalimot sa pagtawag sa Panginoon para maihingi ng tawad ang ginawa mong pagpatay at sa paglalagay ng hustisya sa iyong mga kamay. Cheer up!
Dr. Love
- Latest
- Trending