Natangay sa sulsol
Dear Dr. Love,
Bumabati muna ako sa iyo at sana’y wala kang sakit at problema sa pagtunghay mo ng aba kong sulat.
Ako po si Tina, 35-anyos ay hiwalay sa asawa. Iniwanan ako ng aking mister sa hinala niyang mayroon akong ibang lalaking sinasamahan. Hindi ito totoo. Palagay ko ay ginawa lang niya itong dahilan upang hiwalayan ako. Dinala pa niya ang kaisa-isa naming anak na babae.
Ngayon ay dalawang taon at anim na buwan na kaming hiwalay at balita ko’y may kinakasama na siyang iba.
Ako naman ay malungkot dahil nag-iisa. Nasasaktan lalo ako dahil pinagbintangan ako na isang taksil gayung naging tapat ako sa kanya. Nakinig lang siya sa tsismis ng kanyang mga magulang at kapatid.
Nawala na rin ang love ko sa kanya dahil tipo siyang madaling sulsulan at naniniwala sa tsismis. Gusto ko nang mag-move-on.
May mga nanliligaw sa akin pero pinag-iisipan ko pang mabuti at wala pa akong napipili.
Okay bang makipagrelasyon ako sa ibang lalaki ngayong nag-iisa na lang ako sa buhay?
Tina
Dear Tina,
Hindi mo sinabi kung formally annulled na ang kasal ninyong mag-asawa. Kung napawalang bisa na, puwede kang mag-asawang muli. Kung hindi, labag iyan sa batas sabihin mang may kinakasama nang iba ang mister mo. Lalabas, pareho kayong nangangalunya.
Siguro, mabuting mapawalang bisa muna ang kasal ninyo bago mo isipin ang pagkakaroon ng bagong relasyon.
Dr. Love
- Latest
- Trending