Dear Dr. Love,
Unang-una, magandang araw po sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa Pilipino Star NGAYON.
Alam ko, marami kayong napapaligayang mga tagasubaybay ng inyong column lalo na kaming mga bilanggo. Kaya naengganyo po akong lumiham sa inyo para ibahagi ang masaklap kong karanasan sa buhay.
Isa po akong bilanggo sa isang pagkakasalang hindi ko ginawa. Pinagbintangan nila akong siyang pumaslang sa dati kong amo noong driver pa nila ako at kaya ako umalis sa kanila ay dahil nalipat ako sa ibang trabaho. Anuman ang paliwanag ko ay hindi ako pinaniwalaan. Pati mga testigo ko ay isa-isa nang nangawala.
Pero salamat na lang at pagkaraan ng ilang panahong pagkakakulong, pinalad naman akong mabigyan ng commutation of sentence ng Pangulong Arroyo at malapit na akong lumaya. Marahil, sa pagrerepaso ng kaso ko, napatunayan na ring wala akong kinalaman sa kasong ibinibintang sa akin.
Marahil, sa paglalathala ng liham kong ito, baka napalaya na ako.
Bagaman masuwerteng makalalaya na, makirot pa rin ang aking damdamin dahil wala na ang babaeng pinakamamahal ko na hindi nakahintay sa aking pagbabalik.
Minsan sa kanyang pagbisita sa akin sa bilangguan, lumuluha niyang ipinagtapat sa akin na mayroon na akong kapalit sa kanyang puso at dinadala niya sa sinapupunan ang sanggol na bunga ng kanilang pagmamahalan.
Masakit talagang mabatid na wala na ang aking pinakamamahal.
Pero wala akong magagawa. Naging marupok siya sa aming sumpaan.
Sa paglaya kong ito, hindi ko alam ang naghihintay sa aking kapalaran.
Ang pinaglalaanan ko noon ng aking pagsisikap ay wala na at nasa piling na ng ibang lalaki.
Hindi ko po alam kung bakit hindi ko siya malimutan. Marahil dahil sa naging maunawain naman siya, matiyagang bumibisita sa akin at naniniwalang hindi ko magagawang patayin ang dati kong amo na naging amo rin niya.
Ang dahilan, sa kanya ako natulog ng gabing maganap ang insidente ng pamamaslang sa dati kong amo.
Balintuna talaga ang kapalaran. Hindi ko maisigaw ang katotohanan dahil pinangangambahan ko na masira ang kanyang reputasyon kung sasabihin kong magkasiping kami noong gabing maganap ang insidente.
Huli man ang pagbibigay katarungan, at least nakamtan ko rin ang hustisya, pero wala na ang babaeng mahal ko.
Sa palagay ninyo, may iba pa kayang babaeng magmamahal sa akin matapos akong mabilanggo?
Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham na ito at more power to you.
Wilson Bernal
Maximum Compound,
Dapecol, Panabo,
Davao del Norte 8105
Dear Wilson,
Salamat naman at nabigyan na ng katarungan ang kaso mo at palalayain ka na. Nalulungkot ka kamo dahil wala ka nang babalikang kasintahan na siyang pinaglalaanan mo ng pagpupunyagi sa buhay.
Huwag ka nang masyadong malumbay. Maaaring hindi kayo talaga para sa isa’t isa. Ang pagbutihin mo na lang ay ang normal mong pagbabalik sa laya at sana, madali kang makahanap uli ng trabaho para maipagpatuloy mo ang pagpupundar mo sa kinabukasan.
Patawarin mo na ang nobya mo na hindi na nakapaghintay sa iyo.
Kapag may lungkot ay may tuwa at makakatagpo ka rin ng ibang babaeng ihahatid mo sa altar.
Dr. Love