Dear Dr. Love,
Mangyaring ikubli mo na lang ang aking pagkatao sa alias na Rigor. Mayroon akong kasintahan at kami’y nagmamahalan. May anim na buwan na ang aming patagong relasyon.
Patago dahil pareho kaming hindi na malaya. May asawa na siya at gayundin ako. Pinagmamalupitan siya ng kanyang asawang Tsinoy, hindi binibigyan ng sapat na pera at minsan sa isang linggo kung uwian siya. Wala silang anak.
Ako naman ay nagtatrabaho sa kanila bilang isang hardinero. Minsan isang linggo lang kung umuwi ako sa aming probinsya. Tuwing umaga’y pinagpipitas ko siya ng mga rosas hanggang sa magkahulugan ang loob namin.
Ikinukuwento niya sa akin ang kanyang mga kabiguan sa buhay. Ako ang naging hingahan niya ng sama ng loob at doon nabuo ang aming relasyon. Una’y magkaibigan hanggang sa lumalim ang aming relasyon at kami’y nagmahalan.
Tuwing gabi at natutulog na ang ibang katulong, siya mismo ang nagtutungo sa aking silid at doon namin pinagsasaluhan ang bawal na pag-ibig.
Lingid sa aking kaalaman, natiktikan na kami ng kusinera at kinausap ako’t pinagpayuhang iwasan ko na si Ma’m. Nang tangkain kong makipagkalas sa kanya, umiyak siya at sinabing huwag ko siyang kalasan. Naaawa ako sa kanya kaya patuloy ang aming relasyon. Tama ba ito?
Rigor
Dear Rigor,
Ano ba namang klaseng tanong iyan? Kahit hindi mo itanong ay malalaman mo sa sarili mo na mali ang iyong ginagawa. Kasalanan hindi lamang sa batas ng tao kundi ng Diyos. May isang lalaki kang pinipindeho. Kung ikaw ang pagtaksilan ng iyong asawa, ano ang magiging pakiramdam mo? Kasong kriminal ang pinapasok mo. Adultery sa iyong karelasyon at concubinage sa iyo.
Bago mabunyag ang inyong relasyon sa kanyang asawa, tumigil na kayo sa inyong kalokohan. Kung hindi mo ito magagawa, ikaw na ang kusang umalis sa tahanang iyan. If possible, huwag ka nang magpaalam kung aalis ka para hindi na niya makuhang magmakaawa sa iyo.
Payo ko lang iyan at ang huling desisyon ay sa iyo. Kung magmamatigas ka sa gusto mo, bahala ka. But be ready to face the consequence of your wrong-doing.
Dr. Love