Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw sa inyo. Sana po, ang liham kong ito ay mailathala ninyo sa Araw ng mga Puso bilang simbolo ng aking pagkauhaw sa pagmamahal ng pamilya lalo na ang aking mga kapatid.
Ako nga po pala si Ronnie Saringan, 23 taong-gulang at nakakulong sa pambansang piitan sa Muntinlupa. Masalimuot ang aking buhay. Menor de edad pa lang ako ay naranasan ko na ang makulong.
Sa totoo lang, sa edad kong ito, hindi ko alam kung sino ang tunay kong ina dahil mula nang magkaisip ako, ang nakagisnan ko nang nag-aruga sa akin ay isang tiyahin.
Ang sabi niya sa akin, mayroon pa akong ibang mga kapatid pero hindi ko po sila kilala at hindi ko pa sila nasisilayan. Noon pong madala ako sa piitan, menor de edad pa lang ako at ang sabi sa akin, juvenile case ang kaso ko.
Pero nakapitong taon na ako rito ay hindi man lang ako nadadalaw ng aking mga kaanak. Uhaw na uhaw ako sa pagmamahal. Ni hindi ko man lang naranasan ang kalinga at pag-aaruga ng isang ina. Ni hindi ko nakalaro ang aking mga kapatid.
Wala rin akong alam sa aking ama. Hindi ko alam kung kapwa buhay pa ang aking mga magulang.
Kaya sa liham kong ito, hinihiling ko na sana, isa man sa inyong maraming mambabasa ang magkamaling lumiham sa akin pa man lang magkaroon ako ng pang-unawa kung paano magkaroon ng kaibigan kahit sa panulat lamang.
Inaasahan ko pong hindi ninyo ako bibiguin. At sana, sa paglalathala ninyo ng liham na ito, mabasa man lang sana ito ng aking mga hindi kilalang kapatid at magulang para mabatid nilang buhay pa ako at naghihintay ng kanilang pag-aalala at pagmamahal.
Maraming salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Ronnie Saringan
Bldg. 1 Dorm 213, MSC,
Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776
Dear Ronnie,
Nakalulungkot na mabatid na hindi mo kilala ang iyong mga magulang at kapatid.
Tunay na nag-iisa ka sa mundo kahit pa nga mayroon kang natatawag na tiyahin na siyang nagpalaki sa iyo at nakagisnan mong magulang.
Mabuti sana kung hindi na sinabi sa iyo na mayroon ka pang ibang kamag-anak. Bitin ang detalye ng impormasyong ninanais mong mabatid.
Pero nariyan ka na ika mo sa kulungan at imposible nang mahanap mo pa ang mga kamag-anak sa katayuan mo.
Wala ring detalye kung ano ang pagkakasala mo. Siguro, paulit-ulit ang paglabag mo sa mga alituntunin kaya nasadlak ka diyan sa pambansang piitan mula sa juvenile rehabilitation center.
Sana, magpakabuti ka na at pagbutihin mo ang rehabilitasyon diyan sa loob para makalaya ka nang mas maaga.
Tulad ng inaasahan mo, sana nga, mabasa ito ng iyong mga kapatid para mabisita ka nila gayundin ang tunay mong mga magulang.
Hindi mo rin ipinaliwanag kung bakit kayo nagkahiwa-hiwalay na magkakapatid. Ipinamigay ba kayo ng iyong mga magulang? Nagkahiwalay ba sila?
Sa kabila ng ganitong katayuan mo sa buhay, sana, matutuhan mong magpakatino at iwasan mo ang gulo at basag-ulo. Ipakita mong kahit lumaki kang walang mga magulang, hindi ito hadlang para ka maging isang responsableng mamamayan.
Dr. Love