Dear Dr. Love,
Isang mainit na pagbati ang ipinaaabot ko sa iyo at sa lahat ng iyong mga masusugid na tagasubaybay, Dr. Love.
Ako po si Joselito. Hindi iyan ang totoo kong pangalan pero diyan mo na lang itago ang aking pagkatao. Twenty-nine years-old na ako at nagtatrabaho sa isang casino sa Macau.
Apat na taon na akong nagtatrabaho rito at minsan lang ako nakauwi at iyan ay halos dalawang taon na ang nakalilipas.
May mga nababalitaan akong hindi maganda tungkol sa asawa ko. Ayon sa aking mga magulang at kapatid ay mayroon daw siyang lalaki. Natatakot ako ngayon dahil sa kanya ko inire-remit ang lahat ng kinikita ko.
Noong unang umuwi ako, nakita ko naman ang naipundar na mga kasangkapan ng misis ko. Pinaplano nga naming bumili ng kahit maliit na bahay.
Nagti-text naman kami lagi at nag-eemail at hindi naman siya nagbabago. Nagkukunwari lang kaya siya at totoo ang mga naririnig kong tsismis?
Hindi kasi ako makatulog lagi. Tulungan mo ako Dr. Love.
Joselito
Dear Joselito,
Ang masasabi ko’y huwag kang basta-basta maniniwala sa balita at baka paninira lang iyan. Baka hinala lang iyan ng iyong mga kaanak na hindi naman napapatotohanan.
Mahirap talaga na magkalayo ang mag-asawa dahil diyan nag-uugat ang tukso. Pero hindi rin natin masisisi ang mga nag-aabroad dahil kailangan ng mapagkakakitaan. Pero sana’y dalasan mo ang pag-uwi sa bansa para hindi mangulila ang iyong asawa. Kung minsan ay dahilan din iyan ng pagtataksil. Huwag naman minsan lang sa dalawang taon kung ikaw ay umuwi.
Maganda siguro ay kausapin mo siya kahit sa telepono at sabihin mo ang mga nababalitaan mo tungkol sa kanya. Mahihinuha mo naman sa salita ang taong guilty. Pero huwag kang padalus-dalos sa kanya at ipakitang mahal na mahal mo siya kaya sinasabi mo ang mga pangit na tsismis na nasasagap mo.
Dr. Love