May halaga pa ba ang buhay?
Dear Dr. Love,
Lumiham po ako sa inyong column para humingi ng tulong kalakip ang pag-asa na sana, maging daan ito para makaabot sa kaalaman ng aking mga kapatid at maalala nila na may kapatid silang nangungulila dito sa loob ng kulungan. Hinihiling ko rin na sana ay unawain nila ako at patawarin sakali’t may nagawa akong pagkakasala sa mga magulang namin.
Masakit isipin na nararanasan ko ngayon na mag-isa sa mundo. Ilang taon na ako dito sa kulungan pero ni isa sa mga kapatid ko ay hindi man lang ako nadalaw.
Ang mabigat na dahilan, pinatay ang aming ama sa isang masakit na paraan at ako ang sinisisi nila sa nangyari. Lalong lumalim ang kanilang galit sa akin nang ang aming ina ay mamatay din dahil hindi niya nakayanan ang nangyari sa aking ama.
Ang pagpaslang sa aming ama ay naganap mismo sa harap nila. Masakit sa dibdib ang malaman ang pangyayaring ito. Kaya ang ginawa ko, pinatay ko ang isa sa mga pumatay sa aming ama.
Pero hindi iyon nakabawas sa galit ng aking mga kapatid at kamag-anak dahil hindi ko naramdaman na ako’y kanilang dinamayan sa aking pagdurusa.
Ang akala ko, makakaya ko ang lahat pero hindi pala dahil tatlong taon pa lang kaming nakakasal ng aking babaeng minamahal, iniwanan niya ako sa panahong kailangang-kailangan ko pa naman siya.
Ayaw kong sumuko pero iyon ang nadarama ko sa bawat sandali ng aking pag-iisa. Nagkakaroon lang ako ng kaunting pag-asa sa buhay kapag nakakabasa ako ng inyong column.
Sana tulungan mo po ako na marating ang aking mga kapatid at sana, magkaroon din ako ng mga kaibigan sa panulat.
Sa kabila ng mga pangyayaring ito sa buhay, sa tingin po kaya ninyo, mayroon pang halaga ang mabuhay sa mundong ibabaw?
Mayroon pa kayang babaeng magmamahal sa akin sa kabila ng kabiguan ko sa buhay at sa pagiging isang bilanggo?
Maraming salamat at more power to you.
Gumagalang,
Allan Abcede
Dorm 9 D 2, Bureau
of Corrections,
Muntinlupa City 1776
Dear Allan,
Isa ring masaganang pangungumusta. Valentine’s Day ngayon at sana, maalala ka nang dalawin ng iyong mga kapatid at mapatawad ka na nila kung anuman ang inaakala nilang pagkakasala mo sa iyong mga magulang.
Huwag kang masyadong mawawalan ng pag-asa sa buhay. Habang buhay ang isang tao, kailangang laging buhay ang pag-asa.
Alalahanin mo na ang lahat na taong nilikha ng Diyos ay dapat na mangalaga sa kanilang buhay. Hindi dapat na mawalan ng tiwala sa Kanya dahil pagkaraan ng ulap, lilitaw din ang liwanag.
Bakit hindi mo subukang lumiham sa iyong mga kapatid at personal mong iluhog sa kanila ang paghingi ng tawad at pang-unawa sa iyo?
Kahit ito ay paulit-ulit mong gawin at kung wala ka pa ring kongkretong sagot, hindi ka dapat na magsawa.
Kailangan ding ipagunita mo sa kanila na ikaw ay kapatid nila at kung anuman ang nakaraan, limutin na ito at magpanibagong-buhay kayong lahat.
Idaing mo sa kailangan mo ang kanilang tulong para makabangon ka sa kasalukuyan mong kalagayan at para tumatag ka at mapaglabanan ang anumang panghihina ng loob.
Hangad ng pitak na ito ang iyong kaligayahan at oo, makakatagpo ka pa ng babaeng iibig sa iyo at iibigin mo rin naman.
Dr. Love
- Latest
- Trending