Dear Dr. Love,
Masayang pagbati sa iyo. Tawagin mo na lang akong Ricarte, 47-anyos, isang karpintero at sampung taon nang biyudo.
Kahit sa palagay ko ay hindi pa ako masyadong matanda, sa tingin ng iba ay matandang-matanda na ako. Kasi naman, talagang batak sa trabaho ang katawan ko. Medyo nakakalbo na kasi ako at yung natitirang buhok ko ay puting-puti na.
Paiba-iba ako ng destino. Kung saan may construction project ay naroroon ako. Iba-ibang babae rin ang nakikilala ko. Mga batambata at hindi maiwasang tumibok ang aking puso.
Kaso, ang tawag sa akin kadalasan ng mga babaeng ito ay lolo. Gusto kong dumiskarte, hindi ko magawa dahil baka pagtawanan ako.
Kapag nag-aayos naman ako ng moderno, parang pakiramdam ko ay pinagtatawanan din ako dahil “nagmumurang kamatis” daw ako.
Ano kaya ang gagawin ko para mabura ang impresyon sa akin na isang lolo?
Ricarte
Dear Ricarte,
Kung ganyan na ang itsura mo, wala na tayong magagawa kundi magpunta ka kay Dr. Viki Belo para magparetoke ng mukha na tiyak kong hindi naman kakayanin ng bulsa mo.
Pero sa palagay ko’y inferiority complex lang ang umiiral sa iyo. Nauunahan ka ng hiya porke’t tinatawag kang lolo.
Napakaraming mas matanda pa sa iyo pero nakakabingwit ng bata at maganda. Nasa diskarte iyan ika nga.
Subukan mo muna bago mo husgahan ang sarili mo.
Dr. Love