Kahit kami call boys

Dear Dr. Love,

Kumusta po at magandang araw sa inyong lahat gayundin sa masusugid na tagasubaybay ng malaganap ninyong column.

Kami pong tatlong magkakaibigan, Roy, Gerwin at Jaymar ay tagasubaybay din ng Dr. Love. Kaya kami lumiham sa inyo ay para maibahagi rin sa inyong mga mambabasa ang mapait na karanasan namin sa pag-ibig at kung bakit kami nasadlak sa bilangguan.

Nagsimula po ang aming pagkakaibigan dahil sa   pag-aagawan namin sa isang mayamang matrona na nangangailangan ng aming serbisyo bilang call boys.

Pare-pareho po kaming tatlo na mula sa mahirap na pamilya at kapos sa edukasyon kaya kami na­pasok sa ganitong trabaho. Ito lang ang tanging paraan para matupad namin ang matatayog na­ming pangarap sa buhay

Ulila na po sa mga magulang si Jaymar Baguioso at siya ang nagpapaaral sa kanyang kapatid. Si Gerwin Saucejo naman ay nag-iipon ng pera para sa kanyang pagpapatuloy ng pag-aaral at ako naman na isang hamak na probinsiyano ay nakikipag­sapa­laran sa buhay pero pinagkaitan ng magandang kapalaran.

Kaya napasok ko ang pagbebenta ng aliw sa mga nangangailangan nito.

Nagkaroon kaming tatlo ng mga kasintahan at parang pinagtiyap pa ng pagkakataon na silang tatlo ay iisa ang tinitirahang boarding house.

Ang mahinhin na siyota ni Gerwin ay isang sales­lady, ang cute na nobya ni Jaymar ay isang DI at ang aking first love na si Bea ay isang GRO.

Isang hapon ay masayang napagkasunduan naming tatlo na mag-night swimming dahil birthday ni Gerlie na siyota ni Jaymar.

Sa aming pagpunta sa beach, hindi namin alam na iyon na pala ang huling maligayang sandali ng tropa.

Two o’clock na ng madaling-araw at pauwi na kami galing sa Roan Beach nang may madaanan kaming nag-iinuman at pawang lasing na silang lahat.

Nang tumapat na kami sa kanilang umpukan, binastos nila ang aming mga siyota lalo na ang kasin­tahan ni Jaymar na si Gerlie. Kaya umalma si Jaymar at nakipagtalo sa kanila. Galit na rin ang mga kasama naming babae. Siyempre, ipinagtanggol namin sila.

Lumaki ang gulo. Nasuntok si Gerwin kaya tumu­long na si Jaymar. Pero bago naawat ni Gerwin ang taong sumuntok kay Jaymar ay nasaksak na siya. Masuwerte namang naagaw ni Gerwin ang patalim at gumanti siya.

Ako naman, nakahagilap ng kahoy na siyang ipinukpok sa taong sumuntok kay Gerwin.

Nagsipagtakbuhan na ang kanilang mga kasamahan sa nangyari. Madalian naman naming isinugod sa ospital si Jaymar. At hindi naman nag­tagal, may dumating na mga pulis kaya’t kami lang ni Gerwin ang nadampot at iniwanan namin sa panga­ngalaga ng mga babae ang aming kaibigan.

Sinampahan kami ng kasong murder at frustrated murder. Nang gumaling na si Jaymar, ipinasok din siya sa kulungan.

Nagsabi kami ng totoong nangyari pero hindi nila kami paniniwalaan. Ang tatlong babae na sana ay siya naming testigo ay nawala na at hindi sumipot sa hearing.

Nahatulan kaming makulong ng mula sampung taon at isang araw hanggang 17 years at isang six years at ten months hanggang eight years.

Ngayon po ay naririto kami sa Maximum Compound at naghain kami ng motion for reconsideration.

Nakakaapat na taon na po kami dito pero ni minsan ay hindi na kami dinalaw ng aming mga siyota.

Hindi namin akalain na sa kabila ng aming tunay at wagas na pagmamahal sa kanila ay iniwanan   nila kami.

Kami po ay humihiling na sana ay magkaroon kami ng mga bagong kaibigan sa panulat para maib­san ang aming kalungkutan.

Gumagalang,

Roy Solis

Gerwin Saucejo

Jaymar Baguioso

Dorm 2 Maximum Compound,

Dapecol, Davao del Norte 810

Sa inyong tatlong magkakaibigan,

Kumusta na kayo? Sana, nagkaroon na kayo ng magandang aral na hindi dapat na ginagabi kayo sa mga lakad, lalo pa’t mayroon kayong kasamang babae.

Hindi na kayo pinansin pa ng inyong mga nobya dahil ayaw nilang masabit sa gulo.

Maaaring sila rin lang ang inaasahan sa kanilang pamilya tulad ninyo.

Maganda ang inyong layon at ito ay idipensa ang mga kasamang babae. Pero ang mga taong walang hangad kundi mandamay at manggulo ay hindi inaalintana kung makasakit sila ng tao.

Talagang ang alak ay nakapagpapatapang ng tao at nakakawala ng katinuan ng pag-iisip. Kaya sana ay hindi na ninyo sila pinatulan.

Ang pumatol sa lasing ay walang ibubungang magaling.

Sana mabigyang kunsiderasyon ang inyong apela para mapagaan ang inyong sentensiya. Sana rin ay makahanap kayo ng mga kaibigan sa panulat na magpapabawas sa kalungkutang dinaranas ninyo sa loob ng kulungan.

Dr. Love

Show comments