Dear Dr. Love,
Maalab na pagbati ang ipinaaabot ko sa iyo at sa lahat ng iyong mga avid readers. Last year ko pa ibig sumulat sa iyo pero naging masyado akong busy.
Ako nga po pala si Celina Dr. Love, 29-anyos at hiwalay sa asawa. Sa ngayon ay ibig kong ipa-annul ang aking kasal dahil tatlong taon na kaming hiwalay ng aking mister na may ka-live-in na rin siya.
May kinakasama na rin ako ngayon. Mabait siya at malayung-malayo sa ugali ng aking asawa. Ang dati kong asawa ay may masamang bisyo. Gumagamit siya ng droga at naglalasing. Kaya nang hiwalayan niya ako’t sumama sa ibang babae, para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan.
Ibig na naming maging legal ang pagsasama namin pero ang problema, hindi ko alam kung saan ko hahagilapin ang asawa ko.
Paano po ba ang proseso ng annulment?
Naniniwala rin akong dapat mailagay sa ayos ang aming relasyon pero hindi ko alam kung papaano. May pera naman kaming gagastusin para sa annulment. May maipapayo ba kayo sa akin?
Celina
Dear Celina,
Tama ka at hinahangaan ko’t sinusuportahan ang intensiyon mong mapawalang-saysay ang iyong kasal. Hindi ko ini-endorso ang diborsiyo o paghihiwalay dahil naniniwala ako sa kasagraduhan ng kasal.
Pero kung naririyan ka na sa ganyang katayuan, may batas na puwedeng gamitin para ma-legalize ang iyong relasyon sa ibang lalaki.
Hindi ako abogado at ang pinakamabuti mong gawin ay kumonsulta ka sa isang manananggol na makapagbibigay sa iyo ng advice.
Iyan lang ang masasabi ko at sana, maski papaano’y may naibigay akong payo na maaari mong pulutin.
Dr. Love