Dear Dr. Love,
A very wonderful day to you, Dr. Love. Sana’y maging tunay na masagana ang pagpasok ng bagong taon sa iyo. Kumusta?
Noon pa man ay gusto ko nang sumulat sa iyo pero naging abala ako sa mga gawain ko sa opisina.
Ako nga pala si Cris, isang bank teller. Hindi buo ang aking araw kapag hindi ko nabasa ang Pilipino Star NGAYON lalo na ang kolum na Dr. Love.
Ang problema ko ay tungkol sa babaeng itinitibok ng aking puso. Kasama ko siyang teller sa bankong pinaglilingkuran ko.
Bago lang siya. Siguro’y limang buwan ko pa lang siyang katrabaho.
Mabait siya at maganda. Ang pagkakilala ko sa kanya ay isang dalaga. At talaga namang mapagkakamalang dalaga dahil batambata ang hitsura niya at tila wala pang muwang sa pag-ibig.
Yun pala, isang buwan pa lang silang nagsama ng mister niya ay nagpunta na ito sa Amerika dahil American citizen.
Ipinagtapat niya ito sa akin nang ligawan ko siya. Sabi niya, under process na ang kanyang petisyon para sumunod sa Amerika.
Napakasakit tanggapin, Dr. Love.
Katabi ko pa siya sa aking pagtatrabaho at hindi tuloy ako makapag-concentrate sa ginagawa ko.
Ano ang dapat kong gawin?
Cris
Dear Cris,
Matuto kang harapin ang katotohanan. Oo nga’t mahal mo siya pero hindi na pala siya malaya.
Ipagpalagay mo nang magkaroon ka ng relasyon sa kanya, hindi legal iyan sa mata ng tao at Diyos. Baka lumabas ka pang tagawasak ng relasyong magigiba kapag nagkaroon ka ng ugnayan sa kanya.
Masakit mang tanggapin, ano pa ang magagawa mo kundi limutin ang damdamin mo sa kanya at humanap ng ibang maliligawan. Siguro, sasabihin mong easier said than done pero you have to do it.
Just stop pursuing her dahil baka pati siya ay ibinubulid mo sa tukso na maging unfaithful sa kanyang kabiyak.
Tiyak ko na maraming babae riyan na maganda at mabait at magiging ulirang asawa. Kaunting pasensiya lang at naniniwala akong matatagpuan mo rin siya.
Dr. Love