Live-in partner ko, tinangkang gahasain ni Igan

Dear Dr. Love,

Isa pong masaganang pangu­ngu­musta. Sana po, huwag ninyong pagsawaang basahin ang lahat ng sulat na ipinadadala sa inyo para humingi ng payo at magpatulong magkaroon ng mga ka-penpal.

Taong 1993 nang makilala ko ang babaeng nagpatibok sa aking puso. Siya’y si Gina Viray. First love ko siya at nagsilbing inspirasyon sa buhay ko.

Kaya naman nang magkauna­waan kami, hindi na ako nagpa­tumpik-tumpik na himukin siyang mag-live in na kami para higit na mag­sumikap ako sa paghahanap­buhay.

Masaya naman ang aming pag­sasama. Lalo nga akong nagsikap na magtrabaho at hindi naman nagtagal, nakapagpundar ako ng sariling lote at bahay. Itinuturing kong suwerte sa buhay si Gina dahil naging magaan naman ang aming pamumuhay.

Minsan, nakapila ako sa para­dahan at naghihintay ng pasahero nang biglang sumipot si Gina, gulung-gulo ang kanyang buhok at gusut-gusot ang kanyang damit. Umiiyak niyang isinumbong sa akin na tinangka raw siyang gahasain ng aking matalik na kaibigan.

Parang pinagsakluban ako ng langit at lupa. Hindi ko akalain na ang matalik ko pang kaibigan ang gustong tumalo sa aking nobya. Kaagad akong nagtungo sa bahay ng aking mga magulang at kinuha ko ang baril ng aking ama.

Walang sabi-sabing nagtungo ako sa tahanan ng isa kong kaibigan at naabutan ko nga doon ang nagtangkang gumahasa kay Gina.

Wala nang tanung-tanong, binaril ko agad ng tatlong ulit ang aking ma­talik na kaibigan na siya niyang iki­nasawi. Agad akong sumuko sa him­pilan ng pulisya at doon ay gumawa ako ng statement at inaming napa­tay ko ang matalik kong kaibigan.

Nakulong ako at pagkalipas ng dalawang araw, dinalaw ako ng aking mga magulang. Bumisita rin si Gina at sa harap ng aking magu­lang ipinagtapat niya ang buong pangyayari.

Sinabi ko sa kanya na kahit sinong lalaki na magtangkang gu­ma­law sa kanya, handa ko siyang idepensa at handa akong makulong.

Nahatulan ako ng korte ng pag­ka­bilanggo mula walong taon hang­gang 18 taon. Masakit sa akin ang pangyayari. Napatay ko ang aking matalik na kaibigan at nakulong ako. Pero ang higit na masakit, pag­kalipas ng pitong taon, wala ng Gina na dumadalaw sa akin nang malipat na ako sa pambansang bilangguan.

Nabalitaan ko na lang na sumama na siya sa ibang lalaki, ‘di niya na nais na hintayin pa ang aking paglaya.

Sobrang sakit ang aking naram­daman sa ginawa ni Gina. Alam kong ginawa ko ang lahat para idepensa siya. Pero ano ang ganti niya sa akin? Pinagtaksilan niya ako.

Sa ngayon po, para akong mababaliw sa sama ng loob.

Para makalimot, nais ko pong humingi sa inyo ng tulong na mag­karoon ng mga kaibigan sa panulat.

Sana po, huwag ninyo akong biguin. Maraming salamat po at more power.

Dexter Orogo

Dorm 127 Bldg. 1,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City   1776

 

Dear Dexter,

Mahirap talagang manangan sa pangako lalo na’t magkalayo kayo.

Tulad mo, nangulila rin marahil si Gina. Marupok siya at hindi tapat sa iyo, tulad din naman ng napatay mong kaibigan.

Sa tingin ko, masyado kang naging pabigla-bigla sa pagbaril sa iyong kaibigan.

Hindi mo man lang tinanong siya kung totoo ngang nagtangka siya na i-rape ang iyong partner.

Pagkaraan ng ginawa sa iyo ni Gina, marahil, nagdalawang-isip ka rin kung may katotohanan nga ang sumbong niya sa iyo.

Nalibre ka pa sana sa pagkabi­langgo kung naging kalmado ka at hindi nagpadalus-dalos sa gina­wang hakbang.

Ngayon, ikaw ang nagdurusa. Si Gina, may bago nang kasuyo.

Patawarin mo na lang si Gina. Ituring mo na lang na naging bik­tima ka ng isang mapaglarong pag-ibig. Makakahanap ka rin ng ibang magmamahal sa iyo nang lubos katumbas ng pagmamahal mo.

Magpakabuti ka sa piitan at sikapin mong maihingi ng kapata­waran sa Panginoon ang ginawa mong pag-utang ng buhay ng iyong kaibigan.

Dr. Love

Show comments