Di na natuto
Dearest Dr. Love,
Kumusta ka? Sana’y maging masagana ang papasok na taon sa iyo at sa buo mong pamilya.
Tawagin mo na lang akong Kate, 24-anyos. May boyfriend ako. Tawagin mo na lang siyang Rom.
Isang taon na kaming mag-on ni Rom. Sa loob ng mga panahong iyan, naging malalim na ang aming relasyon. Naibigay ko sa kanya ang aking pagkadalaga at nabuntis ako. Ipinaglalag ko ang sanggol dahil ito ang gusto niyang mangyari. Sabi niya, hindi pa raw siya handang mag-asawa.
Naulit pa ang aming pagniniig hanggang sa nabuntis na naman ako. Gusto na naman niyang ipalaglag ko ito. Pero nakukonsensiya na ako.
Alam kong kasalanan ito. Magdadalawang-buwan na ang dinadala ko at ilang linggo na lang siguro ay magiging halata na ito.
Pero nagmamatigas ang boyfriend ko na ipalaglag ito. Ano ang gagawin ko?
Kate
Dear Kate,
Noong una mo pa lang ginawa ang pagpapa-abort ng sanggol, nagkasala ka na.
Yun lamang pagtatalik ninyo na walang kasal ay isa nang kasalanan at dapat natuto ka na ng leksiyon sa karanasan mo. Pero hindi.
Tama ka ngayon sa desisyon mo na huwag ipalaglag ang sanggol.
Maaaring magalit sa iyo ang iyong mga magulang at kaanak pero iyan ang tamang gawin mo. Hindi maaaring ituwid ng pagkakamali ang isang pagkakamali.
Kung ayaw ka niyang panagutan, kalimutan mo na siya at mag-isa mong itaguyod ang sanggol na iyong isisilang.
Dr. Love
- Latest
- Trending