Dear Dr. Love,
A warm greetings to you and to all readers of PS NGAYON. Umaasa akong mabibigyan mo ng solusyon ang ilalahad kong problema.
My name is Julia, 26-anyos. Nagkaanak ako sa pagkadalaga na ngayo’y limang buwan na. Ayaw siyang kilalanin ng boyfriend ko na nakabuntis sa akin.
Galit na galit sa akin ang mga parents ko at mga kapatid. Isa raw akong kahihiyan sa aming pamilya.
Nang ipinagbubuntis ko pa lang ang anak ko, nanlamig na sa akin ang boyfriend ko at ayaw nang makipagkita. Hindi na rin siya sumasagot sa aking mga text.
Itikakwil ako ng aking pamilya at pinalayas. Buti na lang at mayroon akong best friend na may pamilyang maunawain. Sa kanya ako pansamantalang nakikituloy.
Parang gumuho na nang tuluyan ang aking mundo at nakakaisip akong kitlin ang sariling buhay. May solusyon pa ba ang problema ko?
Julia
Dear Julia,
Pumasok ka sa isang problema na ngayo’y hindi mo alam kung paano lalabasan.
Hindi sa habambuhay ay puwede kang makipanuluyan sa iyong kaibigan. Darating ang araw na magsasawa rin ang pamilya niya sa pagkupkop sa iyo.
Kaya sa dakong huli, sarili mo pa ring pamilya ang makatutulong sa iyo. Maaaring bugso lang ng galit ang dinanas nila dahil sa sinapit mo.
Magtiyaga kang sila’y suyuin at pasasaan ba’t lalambot din ang kanilang mga puso.
Tungkol sa lalaking nakabuntis sa iyo, charge it to experience. Puwede mo rin siyang ipaghabla kung mapapatunayan mong siya ang lalaking nakabuntis at umabandona sa iyo. Pero maaabala ka hindi lang sa oras kundi maging sa pinansyal.
Dr. Love