Mangmang sa batas
Dear Dr. Love,
Una po sa lahat, binabati ko po kayo at ang lahat ninyong kasamahan sa sikat ninyong pahayagan.
Pagpalain po kayo ng ating Poong Maykapal at sana’y marami pa kayong matulungan na tulad ko na naghahanap ng tunay na kaibigan kahit sa pamamagitan ng penpal.
Ako po si Benjamin Bautista, lumalapit sa inyo at nanghihingi ng tulong para makahanap ng kaibigan.
Unawain po ninyo ang kalagayan ng isang tulad kong bilanggo, naghahanap ng kapalagayang-loob, mapagtatapatan ng problema at uunawa sa aking kalagayan.
Isinilang po ako sa Gagalangin, Tondo. Lima kaming magkakapatid at pangatlo ako mula sa panganay.
Noong ako’y nasa grade 2, lumipat kami sa San Dionisio, Parañaque matapos mapaaway ang aking tatay at doon ko na ipinagpatuloy ang aking pag-aaral.
Mula sa San Dionisio, lumipat kami sa Galo mula nang ma-onse ang aming pamilya ng isang kamag-anak na nakitira sa amin pero hinakot ang aming mga ari-arian minsang umalis nang sabay ang aming magulang.
Dito ay natuto akong magtrabaho bilang kargador ng isda. Pero sandali lang ito at naging tambay na lang ako. Natuto akong gumamit ng marijuana at nahilig sa mga babae.
Nang sumapit ako sa edad na 17, may nakilala akong babae, si Emma na taga-Baclaran. Kahit tutol ang kanyang mga magulang sa akin, nagsama kami at nagkaroon ng isang anak na lalaki. Ako noon ay edad 18 samantalang si Emma ay 19.
Hindi nagtagal ang aming pagsasama ni Emma dahil nilayasan niya ako pero iniwan niya sa akin ang bata.
Ang aking ina at mga kapatid ang nag-alaga sa aming anak na lalaki. Ako naman, walang inatupag kundi puro barkada.
Minsan, umuwi ako sa bahay at may nadaanan akong grupong nag-iinuman. Inalok nila akong uminom at pinagbigyan ko naman ng isang shot at nag-iwan ako ng bente pesos pandagdag sa kanilang iniinom.
Nang aalis na lang ako, biglang nagtayuan ang mga kainuman ng aking barkada at hinawakan ang tinderong si Owel.
Ang isa kong barkadang si Magno ay bumunot ng patalim at sinaksak sa tagiliran at isa sa tapat ng puso si Owel.
Nanghingi ako ng tulong para madala sa pagamutan si Owel, ang tindero sa pinag-inuman naming tindahan. Pero nalagutan na ng hininga si Owel.
Hindi nagluwat at mayroong dumating na mga pulis at kinausap sila ng mga kamag-anak ng nasawi. Inimbita nila ako sa headquarters at tinanong nila tungkol sa naganap na insidente.
Pero nang hindi nila maaresto ang itinuro kong kabarkada na siyang sumaksak kay Owel, ako ang kanilang ikinulong.
Dinala nila ako sa isang bodega at pinahirapan para aminin ko na ako ang siyang sumaksak sa biktima.
Labag man sa aking kalooban, inamin kong ako ang siyang may sala dahil hindi ko na nakaya ang pahirap nila sa akin.
Kaya, heto ako, nakabilanggo sa isang kasalanang hindi ko ginawa.
Minabuti kong magpatuloy ng pag-aaral habang nasa kulungan para mayroon naman akong matutuhan at ngayon nga ay second year high school na ako.
Sana po, maihanap ninyo ako ng kaibigan sa panulat para naman po mayroon akong maging inspirasyon sa buhay habang naghihintay ako ng aking paglaya.
Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito.
Benjamin Bautista
Student Bldg., Dorm 4-A,
YRC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Benjamin,
Isa ring masaganang pangungumusta sa iyo. Sana, sa panahong ito ng Pasko at Bagong Taon, matagpuan mo ang lahat na biyaya ng ating Panginoong Maykapal.
Base sa liham mo, wala kang abogadong tumulong sa iyo nang umamin kang ikaw ang siyang pumaslang sa may-ari ng tindahang ininuman mo at ng iyong barkada. Sana, gumawa ka ng apela noon sa korte na ang pag-amin mo sa pagkakasala ay hindi boluntaryo kundi under duress.
Marami namang libreng abogado na puwedeng nilapitan mo para tulungan ka sa kaso mo. Malimit na ang kawalang muwang sa batas at karapatan bilang isang mamamayan ang nagiging daan para hindi magkaroon ng hustisya sa krimeng ibinibintang.
Pero isinuko mo ang iyong kalayaan para aminin ang pagkakasalang hindi ginawa base sa iyong salaysay. Kung talagang wala kang kasalanan, wala kang gagawing pag-amin sa krimen na ikaw ay inosente.
Tingnan mo ang ginawa sa iyo ng iyong mga kaibigan. Pinabayaan ka nilang managot sa isang kasalanang ika mo ay hindi mo ginawa. Ginawa ka nilang sacrificial lamb.
Sa pag-aaral mo diyan sa loob, sana’y matutuhan mo ang mga karapatan mo bilang mamamayan na protektado ng Sali gambatas. Kung alam mo ang iyong mga karapatan, hindi ka maaapi at kaya mong ipagtanggol ang sarili laban sa mga umaapi.
Dr. Love
- Latest
- Trending