Dearest Dr. Love,
Mainit na pagbati sa iyo Dr. Love. Harinawang datnan ka ng sulat na ito na nasa mabuti kang kalagayan. Una sa lahat, gusto kong sabihin sa iyo na sa aming tahanan, tanging Pilipino Star NGAYON lang ang tinatangkilik naming pahayagan. Ito kasi ay very wholesome at up to date ang mga balitang inilalathala. Magagaling din ang mga kolumnista na nagsusulat sa pahayagang ito.
May three years na akong avid reader ng column mo. Noong una ay hindi ko ito napag-uukulan ng pansin pero katagalan, nang minsang magbasa ako nito ay nakaugalian ko nang basahin lagi. Parang hindi kumpleto ang araw ko kung hindi ko nasusubaybayan ito. Kaya nalulungkot ako kung minsang walang labas ang Dr. Love.
Matagal mo na rin akong tagahanga at ngayon lang ako naglakas-loob na sumulat sa iyo.
Masyado kasing mabigat ang pinapasan kong problema na masasabing kasalanan ko rin. Sana ay magsilbing aral ito sa ibang mister ng tahanan para laging maging tapat sa kanilang mga kabiyak. Umaasa ako na mabibigyan mo ako ng magandang payo para maibsan man lang ang bigat na nakadagan sa aking dibdib.
Medyo personal ang problema ko. Kung maaari’y ayaw ko na sanang mailathala pero kailangan ko talaga ng payo. Kaya ikubli mo na lang akong sa alyas na Don.
May asawa ako at tatlong anak. Tatlong taon na ang nakalilipas, naging taksil ako sa asawa ko. May ibinahay akong ibang babae at inuuwian ko three times a week.
Noong una ay nagtatanong ang misis ko kung bakit madalas ko siyang hindi uwian. Sinasabi ko na lang na work-related o pinapupunta ako ng management sa ibang lalawigan.
Alam kong naghihinala siya sa aking kalokohang ginagawa. Hanggang sa nabalitaan ko na lang na mayroon din siyang kinatatagpong ibang lalaki.
Siguro ito ang tinatawag na karma. Ayaw ko na siyang usisain pa dahil kung guilty siya, ako marahil ang dahilan ng kanyang pagtataksil. Siguro’y naghihiganti siya sa akin.
Gusto ko nang magbago. Handa ko nang iwanan ang aking kalaguyo. Pero magbabago rin kaya siya para magbalik ang dating tamis ng aming relasyon?
Don
Dear Don,
Naniniwala ako na kung ano ang itinanim ay siya ring aanihin. Sa kaso mo, nagtanim ka ng kataksilan, yun din mismo ang inaani mo ngayon. Pero kung taimtim kang nagsisisi at handang magbago, hindi pa huli ang lahat. Lahat naman ng tao ay may kani-kaniyang pagkakamali. Hangga’t may layuning ituwid ang pagkakamali ay laging may kapatawarang nakalaan.
Mag-usap kayong mag-asawa. At this point in time, lubhang mahalaga ang komunikasyon at pagpapakumbaba. Aminin mo nang buong kababaang-loob ang iyong kasalanan at humingi ka ng tawad, unang-una sa Diyos, pangalawa sa iyong asawa.
Pag-usapan ninyo kung paano ninyo maibabalik ang maayos ninyong pagsasama bago kayo nagsalawahan sa isa’t isa.
Kailangan din na tiyakin ng misis mo sa iyo na tatalikdan na niya ang kanyang relasyon sa ibang lalaki para mabuong muli ang inyong pamilya. Isipin ninyo ang kapakanan ng inyong mga anak. Sa tuwing may ganyang problema sa pamilya, ang nadadaganan ng bigat o nagdurusa ay ang mga anak.
Siguro nga ay nagawa lang iyan ng iyong asawa dahil gumaganti siya sa iyo. Kaya ang maipapayo ko, mag-usap kayo dahil kayo lang ang makakapagkumpuni ng nasira ninyong relasyon.
Dr. Love