Silahis
Dear Dr. Love,
Malugod akong bumabati sa inyo Dr. Love, sampu ng mga masusugid mong tagasubaybay. Harinawang nasa mabuti kayong kalusugan sa pagtanggap ninyo ng aking sulat.
Umaasa po ako na makatutulong ka sa paglutas ng problema kong tinataglay.
Tawagin mo na lang akong Rino, isang tinatawag na silahis. May asawa po ako at hindi alam ng misis ko ang aking kalagayan.
College student pa lang ako nang maramdaman ko ang kakaiba kong damdamin. Kahit nagkakagusto ako sa babae ay may pita akong tumikim ng kapwa ko lalaki.
Tatlong taon na kaming kasal ng misis ko hanggang sa maramdaman kong muli na umiiral ang aking pagkasilahis. Supervisor ako sa kompanyang pina pasukan ko at may bago akong empleyado. Naging malapit ako sa kanya at itinuring ko siyang kaibigan. Pero hindi pa roon ang nararamdaman ko.
Pilit kong kinokontrol ang aking sarili alang-alang sa aking asawa at dalawang anak.
Nakatutulong nang malaki ang pagbubulay ko sa Word of God at panalangin. Pero naroroon pa rin ang kakatwa kong damdamin.
Ano ang dapat kong gawin para mawala ang ganitong damdamin?
Rino
Dear Rino,
Tama ang ginagawa mong pagbubulay sa Salita ng Diyos dahil iyan ang nagpapatatag ng ating pananampalataya upang supilin ang ating masamang pita. The Word of God is a lamp upon our feet. Liwanag na gumagabay sa atin kapag tayo ay nasa dilim.
Lahat naman ng tao ay may kani-kaniyang predisposition na magkasala ganap mang lalaki, bakla, babae o tomboy. Sabi nga sa Biblia, ituring mong kagalakan na sumailalim ka sa pagsubok dahil lalo kang nagiging matatag sa pananampalataya.
Bakla man o tunay na lalaki, tomboy o tunay na babae ay may kani-kaniyang pagsubok na dinaranas. Mga tuksong gumigiyagis sa kanila pero by God’s grace ay kanilang napaglalabanan. Tandaan mo, hindi ka bibigyan ng Diyos ng krus na hindi mo makakayanang pasanin.
Continue seeking God at manalig ka sa Kanyang Salita. Dahil sa pag-ibig natin sa Diyos, walang ano mang tukso ang makapananaig sa ating buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending