Dapat bang mag-asawa muli?
Dear Dr. Love,
Ako’y nagpapasalamat at mayroong isang kolum tulad ng sa iyo na puwedeng dulugan ng mga taong may problema sa pag-ibig.
Harinawa’y datnan ka ng liham ko na malusog at malayo sa anumang kapahamakan at problema.
Ako po si Ruben, 29-anyos at hiwalay sa asawa. Isang taon na ang nakararaan, iniwanan niya ako at sumama sa ibang lalaki. Naiwan sa akin ang aming anak na babae na tatlong taong-gulang lang.
Siguro’y nasuya na ang asawa ko sa mahirap na buhay. Isa lamang akong mason at nagkakatrabaho lang kapag may project na hindi naman madalas mangyari.
Ang ginagawa ko, nagmamaneho rin ako ng tri-bike kapag walang proyekto. Hindi ako kasal sa misis ko kaya kung tutuusin, puwede akong mag-asawa muli.
Mayroon akong nagugustuhan pero natatakot na ako at baka maulit ang aking masaklap na karanasan.
Ano ang maipapayo mo sa akin?
Ruben
Dear Ruben,
Ang pag-aasawa ay may kaakibat na malaking responsibilidad. Kung maliit ang iyong bagwis at hindi ka makalipad nang mataas, makabubuting huwag ka munang kumuha ng ka-partner mo sa buhay.
Ngunit kung makakakita ka ng babaeng uliran na talagang didibdibin ang pagiging partner ng isang lalaki at maghahanapbuhay din, maganda iyan. Pero tila mahirap hanapin ang ganyang klase ng “hiyas”.
Talagang ang kahirapan ay madalas maging sagwil sa maayos na pagsasama ng mag-asawa.
Magsumikap ka pa sa pagpupundar ng kabuhayan hanggang sa maseseguro mo na mabibigyan ng magandang kinabukasan ang sino mang kakasamahin mo.
Dr. Love
- Latest
- Trending