Dear Dr. Love,
Una po sa lahat, nais ko muna kayong batiin ng isang magandang araw at hangad ko po na lagi kayong nasa mabuting kalagayan.
Ako po si Joebert Diamonon, 29 year-old, tubong Bicol. Isa po ako sa masusugid ninyong tagasubaybay sa malaganap ninyong column na Dr. Love.
Sa kasalukuyan po, nakabilanggo ako dahil sa kasong homicide.
Taong 2000 nang palarin akong mapasok bilang isang security guard sa Emcor. Masasabi kong masu werte ako dahil sa malaki ang natatanggap kong sahod kung ihahambing sa pangkaraniwang manggagawa.
Ang akala ko, tuluy-tuloy na ang suwerte ko sa buhay. Noong 2001, nakilala ko ang isang babaeng nagpatibok sa aking puso. Siya si Coreen na mula sa isang maykayang pamilya. Tutol sa akin ang kanyang mga magulang.
Nagpatuloy ang aming relasyon sa kabila ng pag-ayaw sa akin ng kanyang pamilya. Hanggang isang araw, bigla na lang naglaho si Coreen. Nabalitaan ko na lang na ipinadala pala siya ng kanyang parents sa ibang bansa.
Malungkot na malungkot ako sa pangyayaring ito. Wala akong malamang dapat na sisihin sa pangyayari. Isang araw na papasok na ako sa trabaho, may isang grupo ng kalalakihan na humarang sa akin at pinagtulungan nila akong bugbugin at patayin. Salamat na lang at mayroong nakakita sa pangyayaring ito at ako’y tinulungan nila.
Ang suspetsa ko, ang mga magulang ni Coreen ang siyang may kagagawan ng pananambang sa akin bagaman wala akong ebidensiya. Kaya ipinagpasa-Diyos ko na lang ang pangyayaring ito.
Kasunod nito, nawalan ako ng trabaho at naging mabigat para sa akin ang mundo ng mga panahong yaon. Kaya naisip ko na lang na umuwi na sa aming probinsiya.
Habang naglalakad ako patungong bus terminal, nakita ko ang isa sa mga taong nanambang at nanggulpi sa akin. Biglaan ang aking desisyon na bumawi. Napatay ko siya at kasunod nito ay sumuko ako sa mga awtoridad.
Nahabla ako at nasentensiyahan ng walo hanggang 10 taong pagkabilanggo. Alam ng Diyos na hindi ko ginusto o binalak na gawin iyon. Sa hirap na dinanas ko dito sa bilangguan, naisipan ko pong lumiham sa inyo upang humingi ng tulong para magkaroon ako ng kaibigan sa panulat.
Dr. Love, may pagkakataon pa po ba ang isang tulad ko na makakilala ng isang babaeng muling mamahalin at tatanggapin ako sa kabila ng madilim kong kahapon?
Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito at ang ang dalangin ko po ay ingatan kayo lagi ng ating Panginoon.
Truly yours,
Joebert Diamonon
Dorm 217, MSC,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Joebert,
Habang may buhay ang isang tao, hindi siya dapat na mawalan ng pag-asa sa buhay.
Ang suwerte ng isang tao ay siya ang gumagawa. Sa pamamagitan ng pagpapakasipag, pagpupunyagi at of course sa awa at tulong ng Panginoon, makakamit ang magandang bukas.
Kaya huwag kang mawawalan ng pag-asa. Nawala man ang iyong nobya na siyang naging dahilan ng pagkawala mo na ng interes na isulong ang iyong buhay, sikapin mong bumangon uli sa pagkakadapa. Samahan mo ito ng tiyaga at sipag.
Makakatagpo ka pa ng ibang babaeng tapat na magmamahal sa iyo. Huwag ka lang magpapakasira sa iyong sarili.
Ang iyong nakaraan ay kaya mong mapagtakpan sa pamamagitan ng pagpapakabuti at pagtitika.
Ang leksiyong napulot mo sa naganap na pangyayari na naghatid sa iyo diyan sa kulungan ay dapat mong gamiting gabay sa pagharap sa kinabukasan.
Iwasan mo na ang pabigla-biglang pasya para hindi ka masuong sa problema.
Dr. Love