Binabalikan ng asawang salawahan

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo? Alam n’yo, paborito kong basahin ang kolum ninyo. Hindi kumpleto ang araw ko kung hindi ko ito nababasa. Kaya malungkot ako kapag may araw na nawawala kayo sa pahina.

Sana ay datnan kayo ng sulat ko na nasa mabuting kalagayan.

Tawagin niyo na lang akong Lagring, isang single mother na may dalawang anak. Ang panganay ko ay 12-anyos at ang bunso ay sampung taong-gulang.

Ang mister ko ay sumakabilang-bahay. Ibig sabihin, sumama sa ibang babae. Kaya pinagsikapan ko na lang itaguyod kahit nag-iisa ang dalawang anak ko. Apat na taon na kaming hiwalay.

Okay naman po at nairaraos ko sila sa aking negosyong pagtitinda ng gulay sa palengke. Sa public school lang po sila nag-aaral dahil hindi ko kaya ang magmatrikula sa private school.

Minsan ay nagpunta sa aking puwesto ang aking kumpare na matalik na kaibigan ng mister ko. Sabi niya, nagsisisi na ang mister ko at ibig makipagbalikan. Sinabi ko sa kumpare ko na pakisabi sa mister ko na hindi ko na siya tatanggapin.

Isang araw, ang mister ko mismo ang nagtungo sa akin at nakikiusap na magbalikan na kami alang-alang sa aming mga anak.

Sabi ko’y pag-iisipan ko pa. Tulungan mo ako, Dr. Love. Dapat ko ba siyang tanggapin muli?

Lagring

Dear Lagring,

Kung taos ang kanyang pagsisisi ay tanggapin mo siya. Kahit ano ang nangyari noon, ama pa rin siya ng inyong mga anak.

Pero dapat na siyang magbago at maging responsable at bumawi siya sa kanyang mga nagdaang pagkukulang. Mag-isa mong itinaguyod ang inyong mga anak at malaking sakripisyo iyan. Dapat naman, bigyan ka niya ng pagkakataong guminhawa. Siya naman ang bumalikat ng responsibilidad.

Dr. Love

Show comments