Prayoridad ang ina

Dear Dr. Love,

I am hoping that you are in the best health as you get my simple letter. Sana rin ay paunlakan mo ako na malathala sa iyong very popular na kolum.

Ako nga pala si Cely, 25-anyos at dalaga pa hangga ngayon. May boyfriend ako. Tawagin mo na lang siyang Brix. Dalawang taon na kaming mag-on.

Niyayaya na niya akong pakasal. Ang problema ko ay ang aking ina na matanda na at may sakit. Ako lang ang tagapag-alaga niya at wala siyang ibang maaasahan kapag nawala ako.

Sabi ko kay Brix, papayag lang ako kung kukunin namin sa aming poder si Inay. Tumutol siya.

Sabi niya ipasok na lamang namin si Inay sa ampunan ng mga matatanda. Nasaktan ako sa sinabi niya. Kaya lang mahal ko si Brix at naguguluhan ako ngayon. Ano ang dapat kong gawin?

Cely

 

Dear Cely,

Ayaw kong maging mapanghusga pero kung totoo ang sinabi mo, walang kuwentang lalaki ang iyong kasintahan at hindi niya deserve ang iyong pag-ibig.

Alalahanin mo Cely na ang iyong ina ang nagbigay ng buhay sa iyo. Siya ang ginamit na daluyan ng Diyos para ikaw ay maging tao.

Sa ganyang mga pangyayari na inaayawan ng iyong kasintahan ang iyong ina, hindi ka na dapat magdalawang-isip. Makipagkalas ka sa kanya at tiyak kong maraming lalaki riyan na mas karapat-dapat sa iyong pagtatangi.

Dr. Love

Show comments