Magsumikap ka pa

Dear Dr. Love,

Isang pinagpalang araw ang aking ipinaaabot na pagbati sa iyo. Tawagin mo na lang akong Edison, 24-anyos at isang trike driver.

May nililigawan ako. Tawagin mo na lang siyang Claudia. Isa siyang tindera sa isang sari-sari store.

Anak siya ng may-ari ng tindahan na tutol sa akin. Sinagot na ako ni Claudia pero nagbago siya bigla nang pagbawalan siya ng mga magu­lang niya.

Seryoso naman ako kay Claudia pero bakit ayaw akong bigyan ng tsansa ng kanyang mga magulang?

Gabi-gabi ay nilulunod ko sa alak ang aking sarili para makalimutan ko si Claudia. Ano ang dapat kong gawin para maging good ako sa kanyang mga magulang?

Sana mabigyan mo ako ng payo.

Edison

Dear Edison,

Sa ginagawa mong pag-inom, lalo lang pa­pangit ang tingin sa iyo ng mga magulang ni Clau­dia. Hindi ba ang gusto mo’y maging “good” ka sa paningin nila?

Sa kabila ng pagtutol nila sa inyong relasyon, ipagpatuloy mo ang iyong pagsisikap na umunlad ang kabuhayan.

Marami riyan na walang natapos sa paaralan pero naging matagumpay na negosyante.

Marahil, concerned lang ang mga magulang ng iyong kasintahan sa kinabukasan ng kanilang anak kaya tumututol silang makipagrelasyon ang kanilang anak sa iyo na isang trike driver lang. Sa hirap ng buhay ngayon, paano ka bubuhay ng pamilya?

Bata ka pa Edison at puwede mo pang planuhin ang pagpapaunlad ng iyong buhay.

Dr. Love

Show comments