Dahil sa kapritso ni misis, naging holdapper at natiklo
Dear Dr. Love,
Ako po si Jaime Ermita, 43 years-old, single. Isa po ako sa libu-libong bilanggo dito sa pambansang piitan.
Minsan na akong nagmahal nang lubos sa isang babaeng ang buong akala ko noon ay makakasama ko sa hirap at ginhawa. Ngunit ang lahat ng aking akala ay naging kabaligtaran. Ang babaeng pinakamamahal ko ang siyang nagsadlak sa akin dito sa piitan.
Mangyari po kasi, ang dating ka-live-in partner ko ay may ugaling makasarili. Ang mahal lang niya ay ang sarili niya. Laki siya sa layaw kaya ganoon ang ugali. Ngunit binalewala ko lang ito dahil nga sa mahal na mahal ko siya.
Laki po ako sa hirap. Ganunpaman, ginawa ko ang lahat para maibigay ang lahat na pangangailangan ng aking ka-live-in.
Ngunit hindi pa rin sapat ang sakripisyo ko dahil nagawa pa rin niya akong pagtaksilan. Sa ginawa niyang iyon, hindi ko siya ganap na masisi dahil nangako naman siya na magbabago.
Kaya simula noon, nagsipag lalo ako sa trabaho. Ngunit talaga yatang malupit sa akin ang tadhana dahil sa hindi ko malamang dahilan ay isa ako sa mga natanggal na empleyado.
Galit na galit ang aking pinakamamahal sa pangyayaring iyon. Dinaan ko na lang sa pag-inom sa piling ng aking barkada ang galit na iyon ng aking pinakamamahal.
Habang kami ay nag-iinuman, may isang nagbukas ng usapan sa kung saan kami magkakaroon ng pagkakaperahan. Ang gusto kasi ng isa naming kasama ay manghold-up kami.
Dala marahil ng aming kalasingan, agad-agad sumang-ayon ang iba. Dahil kailangang-kailangan ko ang pera nang panahong yaon, sumama ako at naging matagumpay naman ang aming unang lakad.
Tuwang-tuwa ang aking mahal nang iabot ko sa kanya ang parte kong pera sa aming lakad. Ilang ulit pa ring nangyari ang ganitong pangho-hold-up hanggang sa tuluyan na akong nalulong sa gawaing yaon. Hanggang sa dumating ang panahon na natiklo ang lakad namin at kami ay nahuli.
Ang akala ko, makakaramay ko ang babaeng pinaglaanan ko ng lahat kong kita. Ngunit hindi man lang niya ako dinalaw sa kulungan. At ang masakit pa nito, nabalitaan ko na lang na mayroon na siyang ibang kinakasama.
Sana po ay maging aral sa inyong mga mam babasa ang kasaysayang ito ng aking buhay.
Ang hiling ko po ay ma-publish ang liham kong ito para kung mayroong magnanais na makipagkaibigan sa akin sa panulat ay handa po akong sumagot sa liham nila.
Sa 2010, inaasahan ko pong makakabilang ako sa mga lalaya na. Umaasa po akong tutugunin ninyo ang liham kong ito.
Umaasa,
Jaime P. Ermita
Bldg. I Student Dorm 134,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Jaime,
Huwag mo nang pag-aksayahan pang isipin ang dati mong nobya na hindi nagpahalaga sa iyong pag-ibig.
Marahil, talagang sinadya ng tadhana na mabilanggo ka para makilala mo ang kamalian mo na dahil sa pagpapasunod sa layaw sa nobya mo, pati pangho-hold-up ay pinasok mo mapagbigyan mo lang ang luho niya at kapritso sa buhay.
Ang isang kapartner sa buhay ang dapat na siyang umaakay sa iyo sa tamang landas. Hindi siyang magbubulid sa iyo sa kapahamakan at pagkakasala.
Mabuti naman at nakilala mo ang tunay niyang katauhan. Naging isang magandang aral ito sa iyo para hindi laging magiging sunud-sunuran sa isang minamahal kahit na nangangahulugan ito na itataya mo ang sarili mong buhay, dangal at respeto ng iba para lang mapagbigyan mo ang kanyang kapritso.
Patawarin mo na lang siya. Ikaw din naman ang may pagkakamali kaya ka nakulong dahil kung nanindigan kang hindi ka gagawa ng masama mapagbigyan mo lang ang kanyang luho, hindi naman mangyayaring makulong ka dahil sa paggawa ng masama.
Magpakabuti ka na at pagsisihan ang pagkakasala. Ang mga matu tutuhan mo sa paaralang pinapasukan mo ngayon ang siyang magiging gabay mo sa tamang landas ng buhay sa sandaling lumaya ka na sa piitan.
Dr. Love
- Latest
- Trending