Ipinalaglag niya ang aming baby

Dear Dr. Love,

Ako po si Ronnie N. Bolinas ng Tondo. Doon na rin po ako lumaki at ngayon nga, kasalukuyan akong bilanggo sa pambansang piitan dito sa Muntinlupa.

Sa tagal ko na po dito sa piitan, nagkaroon po ako ng karelasyon o girlfriend. Tatlong taon din kaming naging magkatipan. Dahil sa sobrang pagmamahal ko sa kanya, sa tuwing mayroon kaming hindi pagkakaunawaan, ako ang laging umaamo sa kanya. Kahit siya ang may kamalian, lagi ko siyang inaamo para hindi masira ang aming relasyon. Lagi ko siyang inuunawa.

Subali’t dumating ang isang pagkakataon na hindi ko na nakayanan ang kanyang kamalian dahil malaki ang kanyang kasalanan.

Nagbunga ang aming pag-iibigan. Pero ipinalaglag niya ang sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan. Naisip ko na hindi niya talaga ako mahal, dahil siguro, isa akong hamak na bilanggo kaya nagawa niyang ipalaglag ang aming baby.

Help me Dr. Love.  Payuhan po ninyo ako kung ano ang gagawin ko. Gulung-gulo po ang isip ko at hindi ko alam ang aking gagawin.

Sana rin po, mabigyan ninyo ako ng mga kaibigan sa panulat na puwedeng magpayo sa akin at magbigay ng inspirasyon para malampasan kong lahat ang unos na dumarating sa aking buhay.

Sa inyo pong mga mambabasa, ang payo ko po sa inyo, huwag ninyong tularan ang dati kong nobya, si Lisa, na naging bahagi ng buhay ko sa malaking pagkakasalang kanyang ginawa.

Marami pong salamat at more power to you.

Gumagalang,

Ronnie Bolinas

Bldg. 2 Dorm 224,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Ronnie,

Mabuti naman at nakapag-isip ka sa tunay na katauhan ng dati mong nobya.

Huwag mong ikahiya na ikaw ay isang bilanggo. Mayroong mga pagkakataon na naliligaw ng landas ang isang tao. Ang mahalaga, pinagsisisihan mo ang iyong nagawang kamalian.

Ipinamalas mo rin ang pagbabago mo sa buhay nang matanto mo na ang nobya mo ay gumawa ng isang malaking kamalian nang ipalaglag niya ang sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan. Isang walang malay na sanggol na kapwa ninyo binuo dahil kayo ay nagmamahalan.

Pero ikinahiya niya ito marahil dahil sa hindi kayo kasal at walang mamumulatang ama sa sandaling isilang sa sangmaliwanag ang bata.

Kapuri-puri ang pananaw mo sa buhay at sana, tuluy-tuloy na ang pagbabagong-buhay mo riyan sa loob. Huwag mo nang panghinayangan ang nobya mo. Ang kinitil niyang buhay ay laman at dugo ninyong dalawa. Walang kalaban-labang sanggol.

Pananagutan niya iyan sa kanyang konsiyensiya. Ang hindi mo pagkonsinte sa ginawa niya ay isang tanda na isa ka nang bagong tao na marunong matakot sa Panginoon.

Goodluck to you at sana, magkaroon ka ng maraming kaibigan sa panulat.

Dr. Love

Show comments