Problema ng anak, pasan ng ina

Dear Dr. Love,

Sumainyo ang pagpapala ng dakilang Panginoon sa pagtunghay ninyo sa aking sulat.

Ako si Marta Lucas, 45-anyos at mag-isang nag-aaruga sa aking apat na anak na puro babae.

Biyuda na ako dahil namatay ang asawa ko noong nakaraang taon.

Ang problema ko ay ang aking anak na panganay. Nahiwalay siya sa kanyang asawa at ngayo’y may kinakasamang may asawa rin.

Noon pa mang una ay pinagbawalan ko na siya. Isang malaking kasalanan sa Diyos ang ginagawa niya. Pero sumige pa rin siya at nakipag-live-in sa lalaking iyon.

Nabalitaan ko na sinasaktan siya madalas ng lalaki.

Ano ang dapat kong gawin?

Marta

 

Dear Marta,

Nagawa mo na ang bahagi mo bilang ina pero hindi nakinig sa iyo ang iyong pasaway na anak.

Nasa edad na ang iyong anak at alam na niya ang kanyang ginagawa. Wika nga ng matandang kasabihan: “Sungay mo, sunong mo. Buntot mo, hila mo.”

Kung totoong pinagbubuhatan siya ng kamay ng kanyang kinakasama, puwede siyang maghabla. Pero kung ayaw niya, ikaw ang magsuplong sa pulisya para maputol ang kalupitan ng lalaking iyan.

Sa kabila ng lahat, manatili kang isang ina sa kanya. Magtiyaga kang magbigay ng moral support sa kanya at kahandaang tumulong kung magsisisi siya at iiwanan ang kanyang asawa.

Dr. Love

Show comments