Nawasak na pangarap
Dear Dr. Love,
Malugod akong bumabati sa iyo kasama ang mga tagasubaybay ng iyong column at ang buong staff ng paborito kong pahayagan, Ang Pilipino Star NGAYON.
Tawagin mo na lang akong Ruben, 22-anyos at isang undergraduate. Dati’y pinapag-aral ako ng Chemical Engineering ng aking ina. Patay na ang tatay ko at nag-iisa akong anak.
Pero naudlot ang pag-aaral ko nang dahil sa pag-ibig. Galit na galit sa akin ang aking ina nang magtanan ako ng babae at nakapag-asawa nang wala sa oras.
Hinimatay pa nga siya nang ipinanhik ko sa bahay ang aking asawang si Cristel. Pinalayas kami ng aking ina at sinabing hindi niya ako mapatatawad dahil winasak ko ang pangarap niya para sa akin. Anim na buwan na kaming walang komunikasyon ngayon at ako’y nakakuha ng trabaho sa isang pabrika at nagagamit ko ang konti kong kaalaman sa Chemistry kahit hindi ako nakatapos. Diploma na lang naman at board exam ang kailangan ko dahil isang semester na lang ang aking hindi natapos. Salamat sa aking propesor na kaibigan ko rin at naipasok niya ako ng trabaho.
Ano ang dapat kong gawin para magkasundo kami ng aking ina?
Ruben
Dear Ruben,
Hindi mo masisisi ang ina mo na may matayog na pangarap para sa iyo. Tutal may trabaho ka at kalahating taon na lang ang bubunuin mo para makapagtapos, ituloy mo ang pag-aaral kahit paunti-unti. Palagay ko’y may bentahe ka dahil may trabaho ka at nagagamit mo ang iyong kaalaman. Kung maaari’y ipagpaliban muna ninyong mag-asawa ang pagkakaroon ng anak para matupad ang layuning makapagtapos ka ng kurso.
Kung anuman ang binigo mo sa iyong ina ay itaguyod mo sa sariling pagsisikap. Alam kong maghihilom din ang sugat sa puso ng iyong ina.
Wika nga, walang ina ang puwedeng magtakwil sa anak.
Dr. Love
- Latest
- Trending