Dear Dr. Love,
Sana’y palarin akong maitampok sa malaganap mong kolum ang sulat ko.
Kagaya ng ibang lumiliham sa iyo, mayroon din akong problema sa puso. Tawagin mo na lang akong Fe, 20-anyos. Ang aking suliranin ay tungkol sa dalawa kong boyfriends.
Kahit boyfriends ko sila, walang nangyayaring masama sa amin. Dinadalaw nila ako sa bahay at paminsan-minsan ay kumakain sa labas.
Kung minsan nga’y tatlo kaming lumalabas para mamasyal, kumain o manood ng sine. Marahil ituturing mong pambihira ang karanasan kong ito. Ganyan lang.
Sa ibang salita, wala pa akong commitment kung kanino ako magpapakasal.
Inamin ko sa kanila na pareho silang matimbang sa akin pero bigyan nila ako ng panahong mapag-aralan pa ang damdamin ko. Wala akong itulak-kabigin sa kanila dahil taglay nila ang magagandang katangiang hanap ko sa lalaki.
Ang suliranin ko ay ang pagdedesisyon dahil pakiramdam ko’y pareho ko silang mahal. Ano ang dapat kong gawin?
Sana’y matulungan mo ako sa pagdedesisyon.
Fe
Dear Fe,
May sapat ka nang gulang para mabatid na hindi puwedeng mamangka sa dalawang ilog.
Isa lang sa mga sinasabi mong boyfriends mo ang dapat mong makatuluyan.
Pero kung naguguluhan ka dahil mahal mo sila pareho, daanin mo sila sa isang pagsubok. Bahala ka nang mag-isip kung anong klase ng pagsubok.
Ewan ko ba kung anong klaseng problema iyang pinasok mo. Anyway, kung talagang magkatugmang-magkatugma ang mga katangian nila at wala kang itulak o kabigin, mag-toss coin na lang kaya sila o mag-dyak en poy?
Joke lang iyan pero kung talagang wala kang maapuhap na solusyon, praktikal din iyan. Wika nga “may the best man win” at huwag sasama ang loob ng matatalo.
Dr. Love